Ayaw nang pansinin ni Alden Richards ang intrigang pinagdududahan ang kaniyang seksuwalidad o gender identity dahil sa kawalan niya ng love life.

Sa isang vlog ni Toni Gonzaga na may pamagat na "What Alden Is Tired Hearing About," sinabi ng Kapuso actor na hinahayaan na lang niya kung ano ang nais isipin ng iba tungkol sa kaniya.

“[Kung] sa tinging niyo bading, fine,” ani Alden.

“Ang iniisip ko nga minsan, kapag may ganu’ng mga rumors, wala na bang iba?” dagdag niya.

Ayon sa aktor, madaling manghusga ang ibang tao tungkol sa seksuwalidad ng mga aktor lalo na kung walang nobya.

“‘Yung judgment sa gender ng mga kalalakihan sa industriya natin is ang dali because of that fact,” patungkol niya sa kawalan ng love life.

“But, ako, parang, pupunta ba ako sa route na ‘yon dahil gusto ko lang mang-please?” sabi pa niya.

Ayon kay Alden, ayaw na niyang pansinin ang tungkol sa naturang isyu dahil kontento na siya sa kaniyang buhay.

"I'm happy, perfectly happy with what I have, what I'm able to do at the moment, I seize every opportunity, sayang eh, there's time for that (love life)," paliwanag niya.

Ipinagdiwang ng Kapuso star ang kaniyang ika-32 kaarawan nitong Enero 2.

Kabilang sa mga proyektong ginawa ni Alden nitong 2023 ang pelikulang pinagbidahan nila ni Julia Montes na "Five Breakups and A Romance," at ang Metro Manila Film Festival entry na "Family of Two" na kasama si Sharon Cuneta.

Ngayong 2024, bibida si Alden sa GMA’s upcoming historical drama na "Pulang Araw," kasama sina Sanya Lopez, Barbie Forteza, at David Licauco.—FRJ, GMA Integrated News