Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, diretsahan na tinanong si Derrick Monasterio tungkol sa kaniyang sexual orientation sa harap na rin ng mga pagdududa o hinala ng iba na gay siya.
"Yes or no, are you gay?" prangkang tanong ni Tito Boy kay Derrick para malinawan na isyu.
"No," mariing tugon ni Derrick.
Ayon kay Derrick, hindi naman siya apektado sa mga nagdududa sa kaniyang sexual orientation.
“Mas bothered ako sa fact na bakit ginagamit nila na pang-asar ‘yung pagiging bakla, eh wala naman masama du'n,” anang Sparkle actor.
“Siguro, kailangan mas maging open minded na ang mga tao ngayon na hindi masama... hindi okay ‘pag gagamitin mong pang-asar ‘yung pagiging bakla, pagiging mataba, pagiging pangit. Kasi there’s no such things eh, illusion lang ‘yun ng mga tao," pagpapatuloy ni Derrick.
Sinabi rin ni Tito Boy na walang masama sa pagiging bading, gaya ng walang masama sa pagiging straight.
Inilahad naman ni Elle na nadinig din niya noon ang tungkol sa pagdududa sa kasarian ni Derrick.
"Alam niyo Tito Boy ang funny nga, kasi naririnig ko na po 'yan eh. So noong first project pa lang namin inisip ko, 'Gay ba talaga siya?,'" kuwento ng leading lady ni Derrick sa upcoming series na "Makiling."
"And then I realized lumaki lang siya sa industry na ang kasama puro gays. So nasanay lang siya sa pananalita niya, sa actions niya," dagdag ni Elle.
Natatawa rin na ikinuwento ni Elle kung papaano niya nagamit ang gay rumors ni Derrick para mapanatag ang loob ng kaniyang ina kapag kasama niya ang aktor.
Dahil only child siya, sinabi ni Elle na istrikto ang kaniyang ina.
"Para payagan ako na kasama si Derrick, sinabi ko kay mommy 'Mommy bakla siya. You don't have to worry,'" natatawang sabi ni Elle. "Pero ngayon alam na po niya. So nagulat na lang po siya 'Sinusundo si Elle sa Baguio. Bakla? Paano nangyari 'yon?'"
Tinanong ni Tito Boy kung inusisa rin pa ni Elle si Derrick tungkol sa kasarian nito.
"Yes. I'm very straightforward with him," sabi ni Elle. -- FRJ, GMA Integrated News