Matapos ang mahabang panahon, nakatrabaho muling ni Ara Mina sa triple-plot drama series na "Lovers & Liars" si si Claudine Barretto. Pati na ang ex-boyfriend niyang si Polo Raveles.

Pero kahit matagal silang hindi nagkasama sa isang proyekto, sinabi ni Ara sa nakaraang panayam sa "Fast Talk with Boy Abunda" na walang ilangan na nangyari sa kanila ni Claudine.

"Parang akala mo 'yung matagal na kaming magkakilala. Hindi naman ako nailang ka-work siya. But marami kaming mga matitinding eksena rito," sabi ni Ara.

Ang "Lovers & Liars" ang nagsilbing TV comeback ni Claudine, na gumaganap sa series bilang si Via Laurente, isang matagumpay na negosyante na masasangkot sa isang bawal na relasyon sa isang lalaki na mas bata sa kaniya na ginagampanan ni Yasser Marta.

Siya rin ang ikalawang asawa ni Ramon Laurente (Johnny Revilla). Noong pumanaw si Ramon, inihabilin niya kay Via ang pamumuno sa real estate company na Pacifica.

Si Ara naman ang gumagana na si Elizabeth, ang unang asawa ni Ramon, na bago pa lang papasok sa kuwento ng serye.

"I'm the original wife so I'm coming to Lovers & Liars," sabi ni Ara na inaasahang makakabanggaan ni Claudine sa pamamahala ng kumpanya ng kaniyang namayapang asawa.

Sinabi rin ni Ara na nagkita na rin sila ng kaniyang dating nobyo na si Polo Ravales, na kasama rin niya sa serye.

"Nagkita kami one time [ni Polo] sa taping namin and then nandun yung wife niya, so magka-chika na kami ng wife niya," ani Ara.

Kasama rin sa serye sina Shaira Diaz, Rob Gomez, Kimson Tan, Michelle Vito, Sarah Edwards, Christian Vasquez, at Lianne Valentin.-- FRJ, GMA Integrated News