Kabilang sa mga aabangang Kapuso series ngayong 2024 ang "Widow's War" na pangungunahan nina Bea Alonzo, Carla Abellana, at Gabbi Garcia. Magbabalik din ang kinagiliwang celebrity reality show na "Running Man Philippines.

Sa teaser ng "Widow's War," wala pang ibang detalye na ibinibigay pero nakasaad na, "Is there anything more dangerous than widows in a hostile war?"

Unang pagkakataon na magsasama-sama sa isang series sina Bea, Carla, at Gabbi.

Napapanood ngayon si Carla sa GMA afternoon series na "Stolen Life," kasama sina Gabby Concepcion at Beauty Gonzales.

Habang katatapos lang nina Bea at Gabbi ang bumida sa GMA Network-Viu Philippines collaborations na "Love Before Sunrise" at "Unbreak My Heart."

Samantala, kumpirmadong tatakbong muli para sa ikalawang season ang kinagiliwang "Running Man Philippines" na unang napanood noong 2022.

Sa first season, sumabak sa iba't ibang challenges sina Ruru Madrid, Glaiza De Castro, Mikael Daez, Angel Guardian, Kokoy De Santos, Lexi Gonzales, at Buboy Villar.

Si Angel ang itinanghal na kauna-unahang Ultimate Runner, na hango sa South Korean television variety series.

Sa Korea din ginawa ang bawat episode ng Running Man Philippines, co-production ng GMA Network at SBS Korea.

Hindi pa batid kung sinu-sino ang mga bagong magtatagisan ng galing at abilidad sa bagong season ng Running Man Philippines. —FRJ, GMA Integrated News