Iminungkahi ni Heart Evangelista na mag-ampon o magbigay ng mga alagang aso o hayop na may tamang dahilan ngayong Christmas at holiday season kung saan uso ang pagreregalo.
Sa panayam ng GMA Integrated News, sinabi ni Heart na tutol siya sa pagreregalo ng mga hayop.
"I'm really against that. Ako, hindi ko maintindihan kahit 'yung sa simpleng birthday party na merong rabbits na ipinamimigay or animals na pinamimigay. Kasi buhay 'yun eh, kailangang maging choice 'yun ng kung sino man ang kukuha na mabigyan ng magandang buhay ang aso o ang pet na ibinibigay sa kanila," sabi niya.
"So dapat choice nila 'yun. It never should be a gift," dagdag ni Kapuso Queen of Creative Collaborations.
Ayon kay Heart, may mga kondisyon na dapat alalahanin kapag tumatanggap ng hayop bilang isang aguinaldo.
"Unless matagal na talagang [gusto ng] pamilya, ng anak na magkaroon ng aso, at whether maalagaan ng bata or not, the parents would be 100% there. So yes, okay," aniya.
"But you always have to adopt a pet for the right reasons," payo ni Heart.
May ilang tips si Heart sa pag-aalaga ng mga hayop sa darating na Bagong Taon.
"Usually 'pag ganiyan, talagang mine-make sure namin they're in a room, naglalagay din kami ng towels as much as possible sa mga butas ng pinto. We try to make the room as soundproof as possible."
"Pero the reality is hindi rin siya 100% soundproof. So as long as they are with their loved ones at mga kasama sa bahay at lagi silang pine-pet, just keep them calm, that's the best thing you could do. But hindi dapat sila 'yung nakatali o nakakulong sa labas," sabi pa niya. —VBL, GMA Integrated News