Sa harap ng kinasangkutang kontrobersiya, ibinahagi ni Rob Gomez ang ilang larawan sa ginanap na binyag ni baby Amelia, na anak nila ng dating beauty queen na si Shaila Rebortera.

"I love you 3000. TYG for this day," saad ni Rob sa caption ng kaniyang post sa Instagram. Nakasaad na ginanap ang binyag noong December 17, at may hashtag na #2305.   

Nasangkot kamakailan si Rob sa kontrobersiya kasama ang mga beauty queen din at co-star niya sa "Magandang Dilag" series na sina Herlene Budol at Bianca Manalo.

 

 

Kapuwa itinanggi nina Herlene at Bianca na may romantikong namamagitan sa kanila ni Rob.

BASAHIN: Bianca Manalo, nagsalita na tungkol sa viral 'issue' na iniuugnay siya kay Rob Gomez

BASAHIH: Giit ni Herlene Budol: 'Hindi ako hayok sa laman'

Ipinaliwanag naman ni Rob na may nakialam sa kaniyang cellphone nang walang paalam nang lumabas sa social media ang screengrabs ng mga mensahe tungkol kina Herlene at Bianca.

Ayon kay Bianca, may mga inalis sa palitan ng mensahe para lagyan iyon ng malisya.

Nitong nakaraang Agosto, nagkaroon ng problema sa relasyon nina Rob at Shaila nang sabihin ng aktor sa panayam ng "Fast Talk with Boy Abunda" na single siya.

Ilang linggo makaraan nito, humingi ng paumanhin si Rob at ipinakilala sina Shaila at Amelia sa publiko Nitong nakaraang Oktubre, sinabi ng aktor na inaayos niya ang relasyon niya kay Shaila.-- FRJ, GMA Integrated News