Pumanaw na ang veteran actor na si Ronaldo Valdez sa edad na 76.

Sa ulat na nanggaling sa Quezon City Police Department, nakasaad na pumanaw si Ronaldo nitong Linggo ng hapon sa Quezon City.

Tumagal nang halos limang dekada ang karera ng aktor sa showbiz na napanood sa mga pelikula at telebisyon.

Hinangaan ang kaniyang versatility dahil sa husay niya sa drama at comedy, at sa mga pagganap niya bilang bida, at kontrabida.

Mayroon siyang dalawang anak na si Melissa at ang actor, singer-songwriter at comedian na si Janno Gibbs, na wala pang inilalabas na opisyal na pahayag kaugnay sa pagpanaw ng kaniyang ama.

Bumuhos naman ang pakikiramay ng netizens na nagulat sa biglaang pagyao ni Rolando, na kabilang sa mga huling pelikula ang "Ikaw at Ako," na kasama sina Rhian Ramos at Paolo Contis.

Ipinalabas naman noong 2017 ang pelikula niyang "Seven Sundays."— FRJ, GMA Integrated News