Lumalabas na pumanaw ang "Friends" actor na si Matthew Perry dahil sa "acute effects of ketamine," ayon sa Los Angeles County Medical Examiner's office nitong Biyernes.
"Contributing factors in Mr. Perry's death include drowning, coronary artery disease and the effects of buprenorphine (used to treat opioid use disorder)," ayon sa pahayag ng medical examiner, na iniulat ng Agence France-Presse. "The manner of death is accident."
Madalas na ginagamit ng mga doktor at beterinaryo ang ketamine bilang anesthetic, at pinag-aaralan ng mga mananaliksik bilang gamot sa depresyon.
Ilegal naman itong ginagamit ng ilang tao dahil sa hallucinogenic effects nito.
Ayon pa sa ulat ng Agence France-Presse, nakipaglaban si Matthew sa adiksyon at iba pang kaugnay na seryosong isyu sa kalusugan.
Pumanaw sa edad 54 si Matthew, na kilala sa kaniyang role bilang si Chandler Bing sa '90s sitcom na "Friends."
Natagpuan ang aktor na "nalunod" sa jacuzzi ng kaniyang bahay sa Los Angeles, California noong Oktubre 28.
Nag-post naman ng pagdadalamhati sa official social media account ng ''Friends'' sa pagpanaw ni Matthew.
"We are devastated to learn of Matthew Perry’s passing," saad nito. "He was a true gift to us all. Our heart goes out to his family, loved ones, and all of his fans.
Kabilang si Matthew sa cast ng "Friends" na ipinalabas noong 1994 na tumakbo ng 10 seasons na tuloy-tuloy. Taong 2004 nang ipalabas ang finale nito na pinanood ng nasa 52 milyong Americans. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News