Umarangkada na ang Metro Manila Film Festival (MMFF) 2023 Parade of Stars nitong Sabado ng Hapon.
Nagsimula ang parada sa Navotas Centennial Park, at dadaan ng C-4 Road, Samson Road, at McArthur Highway hanggang sa Valenzuela People’s Park.
Kasama sa star-studded na parada ang cast ng “Family of Two,” na pinagbibidahan nina Sharon Cuneta, Alden Richards at Miles Ocampo.
Present din sa parade sina Dingdong Dantes at Marian Rivera, na bida sa pelikulang “Rewind,” na under ng Star Cinema.
Kasama pa sa MMFF entries ang pelikulang “Firefly,” na flagship movie ng GMA Public Affairs at GMA Pictures.
Present ang cast nito na sina Alessandra de Rossi, Euwenn Mikaell, Yayoy Aguila, Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega at Max Collins. Ang pelikula ay sa direksyon ni Zig Dulay.
Umarangkada rin ang float na may temang mandirigma ng pelikulang “Penduko,” na pinangunahan nina Matteo Guidicelli, Kylie Verzosa at John Arcilla.
Ang “When I Met You In Tokyo” ang nagsisilbing reunion ng “Star For All Seasons” na sina Vilma Santos at Christopher de Leon. Itinatampok din dito sina Cassy Legaspi at Darren Espanto.
Katatakutan naman ang hatid ng pelikulang “Kampon,” kung saan present sa parada sina Derek Ramsay, Beauty Gonzalez, child star na si Erin Rose Espiritu, Cai Cortez at vlogger-turned actress Zeinab Harake.
May temang LGBT naman ang float ng "Broken Hearts Trip," na pinagbibidahan nina Christian Bables, Andoy Ranay, Teejay Marquez, Marvin Yap, Petite, Iyah Mina, at Jaclyn Jose.
Pinagbibidahan naman nina Cedrick Juan, Enchong Dee, Elijah Canlas, Tommy Alejandrino at iba pang stars ang pelikulang “GomBurZa,” na kuwento ng tatlong paring martir na sina Mariano Gomes, José Burgos, at Jacinto Zamora.
Bida naman si Piolo Pascual sa “Mallari,” na tungkol sa malagim na kuwento ng isang pari noong panahon ng mga Espanyol na si Severino Mallari.
Hindi pahuhuli sa kanila ring makulay na float ang cast ng “Becky & Badette.” Pinagbibidahan ito ng mga beteranang komedyana na sina Eugene Domingo at Pokwang.
Ang Metro Manila Film Festival ay isang taunang movie festival na isinasagawa ng Metropolitan Manila Development Authority “to promote and enhance the preservation of Philippine Cinema.”
Katuwang ng Philippine Charity Sweepstakes Office, ang film festival ay ipalalabas sa mga sinehan mula Disyembre 25 hanggang Enero 7 at itatampok ang 10 pelikulang Pinoy na may iba’t ibang genre. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News