Sa kaniyang Youtube video, inihayag ni Angelica Panganiban na mayroon siyang Avascular necrosis o "bone death," na kinailangang isailalim siya sa medical procedure.
Sa kaniyang vlog na may titulong “I have Avascular Necrosis,” sinabi ni Angelica na nakararanas siya ng paulit-ulit na sakit sa balakang nang ipinagbubuntis niya si Baby Amila Sabine.
Noong una, inisip umano ng aktres na dulot lang ng pagbubuntis ang nararanasan niyang sakit kaya hindi siya nagpatingin sa duktor.
Pero hindi na niya kinaya ang matinding sakit nang bumiyahe siya sa Palawan nitong unang bahagi ng taon kahit nakapanganak na siya.
Nang magpatingin siya sa Asian Hospital, dito na niya nalaman na mayroon siyang Avascular Necrosis, isang kondisyon na nagiging dahilan para mamatay ang bone tissue dahil sa kakulangan ng blood supply.
Inihayag din ni Angelica na sumailalim na siya sa medical procedures para tugunan ang kaniyang kondisyon.
“Nagawa na ‘yung procedure kahapon. Nakapagpasok na sila, na drill na nila ‘yung hole papunta dun sa deadbone ko,” anang aktres.
“Nilagyan nila ng plasma nang sa gano’n, magkaroon ng regrowth, mabuhay siya ulit, magkaroon ng blood flow,” dagdag niya.
Sa kabila ng kaniyang nararamdaman, nais ni Angelica na manatiling positibo sa kaniyang sitwasyon.
“Minsan, I just can’t believe na, kumbaga at the age of 37, nagkaroon ako ng bone death, there’s something dead inside me,” saad niya.
“Patuloy ang pagiging positive na matatapos na ‘yung kalbaryo dito sa nararamdaman ko dahil finally na pinpoint na namin kung ano talaga ‘yung sakit ko,” dagdag niya.— FRJ, GMA Integrated News