Ikinuwento ni Donita Nose na nakaranas siya dati ng mga pambu-bully dahil hindi nagugustuhan ng ilang tao ang pang-aasar niya kay Super Tekla sa kanilang “Donekla” tandem.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, binalikan ni Donita ang mga panahong magka-tandem sila ni Tekla sa telebisyon at sa kanilang mga vlog.
“Actually ‘yung mga hilahan, ganiyan, actually never ko talagang naramdaman or ipinaramdam din sa kaniya,” sabi ni Donita.
Inamin pa ni Donita na tanggap niyang patok si Tekla sa mga tao. Kaya hindi maiiwasang mainis sa kaniya ang ilan sa tuwing inaasar niya ang kaniyang ka-tandem.
“At saka aminado ako na mas charming siya sa tao, mas gusto siya ng tao. Pero mas gusto rin ng tao na dalawa kami. Pero siya, iba ‘yung dating sa akin. Minsan ako ‘yung binu-bully, inaaway ako ng mga may gusto sa kaniya. Pero mag-tandem kami. They don’t know kasi kung ano ‘yung role namin sa isa’t isa,” sabi niya.
Ngunit paliwanag ni Donita, inookray niya lamang si Tekla para lumabas ang galing nito sa pagpapatawa.
“Siya kasi, ganu’n siya, kailangan ko siyang okrayin, kailangan ko siyang awayin para lumabas ang talent niya, maging effective siya.”
“Ako ‘yung nagiging maldita pero ‘yun is because ginagawa lang namin,” pagpapatuloy niya.
Bahagi lamang aniya ito ng kanilang pagpapatawa.
“Kailangan talaga sa mag-partner, merong isang maganda merong hindi ganoon kaganda,”
Ayon pa kay Donita, natural na sa kanilang dalawa ni Tekla ang okrayan.
“Wala sa amin ‘yun ni Tekla. Natural na namin ‘yon. Kahit off-cam o nasa show kami, okrayan pa rin kami. Pero natural na sa amin ‘yon so we don’t care about that. Anuman ang sabihin ng ibang tao, alam namin sa isa’t isa ang ginagawa namin.”
Sa Fast Talk segment, sinabi ni Donita na si Super Tekla ang isang artistang kaniyang nakaaway.
Sa isang panayam noon sa "Sarap, 'Di Ba?” umamin si Donita na nangyari na noon at "dumating sa point" na sinukuan na niya ang pagkakaibigan nila ni Tekla.
Pero naayos naman daw nila ni Tekla ang kanilang hindi pagkakaunawaan.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News