Sa tulong ng mga kaanak at kaibigan, muling nabuo ang ugnayan nina Marian Rivera at Heart Evangelista. Kasunod na kaya nito ang collab o project together ng dalawa?

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabi ni  Marian na masaya ang puso niya ngayon.

“Nandun ako sa peaceful, na finally in God’s perfect time. Siguro kung ano man ‘yung pinag-uusapan namin behind, siguro ibalato niyo na lang sa amin kasi it’s too personal for us,” pahayag ng Kapuso Primetime Queen.

Ang mga malalapit na kaibigan at mga kamag-anak umano ang naging daan para mag-reconnect ang dalawa.

Sinabi ni Heart tungkol kay Marian, “She has a very strong character but I really appreciate her kindness and just her heart.”

Ayon naman kay Marian, mahalaga ngayon sa buhay ang may kapayapaan.

“Sa buhay natin ngayon, mas masarap na peaceful ka at masaya ka araw-araw na wala kang iniiwasan. Sabi ko nga mabait talaga ang Diyos at ibibigay niya sa’yo ‘yung makakabuti sa’yo,” dagdag niya.

Nang tanungin tungkol sa posibilidad ng collab ng dalawa in the future, sinabi nina Marian at Heart na pareho pa silang busy sa ngayon.

“I think what’s important is in the real world, we’re okay,” ani Heart.

“Parang hindi na yata siya natutulog, ako rin hindi na natutulog,” natatawang tugon ni Marian.

“Pero in time, for sure, magkikita kami niyan in time so maraming pagkakataon,” dagdag niya. —FRJ, GMA Integrated News