Ipinasilip ng Kapuso comedy genius na si Michael V. ang mga guest star sa upcoming “Bente-O-Chew” anniversary ng "Bubble Gang."

Sa kaniyang Instagram post, na iniulat din sa Unang Balita nitong Miyerkoles, makikita na kasama ni Michael ang ilan sa ginawan na rin niya ng spoofs noon na Ninong Ry, Lola Amour, at Kuya Kim Atienza.
 
Naging viral ang parody version ni Bitoy sa hit song ni Lola Amour na "Raining in Manila," na ginawa niyang "Waiting Here sa Pila."

“Proud to say that these are not Photoshopped,” caption ng komedyante sa post.

“28 years na ang #BBLGNG! Sino ang pinaka-memorable na BG character sa inyo?,” sabi pa ni Michael.

Mapapanood ang Bubble Gang special episodes sa Nobyembre 19 at 26 sa Kapuso Network.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News