Hindi napigilang maiyak ni Iza Calzado sa kaniyang pagbabalik sa Kapuso Network matapos ang 12 taon, lalo pa’t naalala niya ang kaniyang yumaong ama na si Lito Calzado na nagtrabaho rito.
“Hello mga Kapuso! It’s nice to be back. Hindi ko sukat akalain na mangyayari ito,” bungad ni Iza sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes.
“Can I just say, I’m like kinikilabutan at the moment,” pagpapatuloy ng aktres.
Ayon kay Iza, naging sentimental siya nang muling makita ang gazebo ng Kapuso Network, dahil doon madalas ang kaniyang amang si Lito na isang aktor at direktor.
“Actually Tito Boy akala ko I would be sentimental, of course pagbabalik ko. Pero ang unang-unang naisip ko no’n, kasi nagpa-picture ako roon sa may statue. Tumingin ako sa gazebo, na-miss ko ‘yung tatay ko. Kasi laman siya nu’n eh.”
“Kung nakatrabaho ninyo ang tatay ko rito, nagsisigarilyo ‘yun nakatambay. Somehow I visualized him greeting me with the warmest smile,” maluha-luhang sabi ni Iza.
Ayon sa aktres, nananatili ang kaniyang pagmamahal at pasasalamat sa mga taong nakatrabaho niya.
“So much has changed but also so many things are still the same. The love that I have for the people in this business, regardless of which station you’re from, basta nakatrabaho kita and you made an impact in my life, siyempre hindi ako nakakalimot,” sabi ni Iza.
“Even you think nakakalimot ako, hindi ako nakakalimot,” dagdag niya.
Pumanaw si Direk Lito sa edad 65 noong 2011 dahil sa sakit na liver cancer.
Nagsimula sa Kapuso Network ang showbiz career ni Iza. Nakabilang siya sa hit Kapuso fantaserye na Encantadia noong 2005, kung saan gumanap siya bilang si Amihan na tumatak sa viewers.
Kasama niya sa series ang iba sina Diana Zubiri, Sunshine Dizon at Karylle na gumanap bilang mga Sang'gre o diwata.--FRJ, GMA Integrated News