Inihayag ni Iza Calzado na nakaramdam siya ng pagiging buo at fulfilled sa kaniyang pagiging ina kay Baby Deia Amihan.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, tinanong ni Tito Boy si Iza kung paano nakatulong ang pagiging ina sa kaniyang pagkatao.
“I don’t want to say it because with all due respect to other women who don’t have kids, baka kasi isipan nila…” pagbibigay-respeto ni Iza sa mga babaeng walang anak.
“Kasi ang naisip ko, whole. Pero siguro kung hindi ‘yon, maybe the word is ‘fulfilled.’ Fulfilled, content and whole,” sabi pa niya.
Nang isilang niya si Baby Deia nitong Enero, napagtanto niyang ito lang pala ang kaniyang hinahanap-hanap.
“Because before, restless. ‘Yun pala, ‘Ikaw lang pala ‘yung kailangan ko.’ Na kung saan-saan ko hinahanap, may it be material things and other things na don’t really serve my highest purpose here on earth. Andu’n lang pala. Takot na takot kasi ako talaga dati Tito Boy,” pag-amin ni Iza.
Para kay Iza, higit sa saya ang pagiging isang ina.
“Pero ang sarap pala, napakasarap,” saad ng aktres.
Inilahad ni Iza ang kaniyang pangako sa anak.
“There is a quote na become a person that your child will be proud of. And I guess Deia has done that for me.”
“I have a lot of moments in my life that I’m not very proud of. Pero pagsusumikapin kong maging isang karapat-dapat, na respetuhin niya, at tingalain at mahalin,” sabi ni Iza.
“‘Yun ang promise ko sa mga magulang ko, I will do my best to be the best parent to my child.”
Sa pagkakataong ito, hindi napigilang maging emosyonal ni Iza nang ilarawan si Deia bilang “legacy” ng kaniyang pamilya.
“When I think of Deia legacy ‘yun ng pamilya namin. In her I see my ancestors, my mother and my father. Hopefully one day, I may no longer be around, she has children, may she feel that as well, the same way I feel talaga kapag tinitingnan ko ang anak ko, nakikita ko ang tatay ko,” sabi ni Iza.
Sa Fast Talk segment, sinabi ni Iza na bukas siyang masundan ng baby number 2 si Deia.
Ikinasal sina Iza at Ben Wintle Disyembre noong 2018.-- FRJ, GMA Integrated News