Hindi napigilan ni Buboy Villar na maging emosyonal nang mapag-usapan ang kaniyang mga anak sa dating karelasyon na si Angillyn Gorrens.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Lunes, sinabi ni Buboy na ang pagrespeto ang nais niyang tandaan ng kaniyang mga anak na sina Vlanz Karollyn at George Michael.

“‘Wag na ‘wag nila kakalimutan ‘yung salitang respeto,” anang komedyante.

“Hanggang sa tumanda sila, respeto, ang kasunod no’n ay trust, at ang sumunod ay love,” dagdag niya.

Aminado si Buboy na mahirap pagsabayan ang trabaho at pamilya dahil nasa Amerika ang ina ng kaniyang mga anak.

“Ayaw kong nakatambay sa bahay. Gusto ko laging nagtatrabaho, [pero] dahil diyan, siguro may nawala, dahil di ko nabigay ‘yung time,” saad ni Buboy.

Sa huli, sinabi ni Buboy na ang kapakanan ng kaniyang mga anak ang mas mahalaga sa kaniya.

“Ang pinili ko ay ang mga anak ko kasi sila ang mundo ko eh,” pahayag niya.

Sa naturang panayam din, napag-alaman na kasama ngayon ni Buboy ang dalawang bata. Ayon sa komedyante, nakatuon ang atensyon niya sa mga ito.

Naghiwalay ng landas sina Buboy at Angillyn noong October 2020. Gayunman, nanatili silang magkaibigan para itaguyod ang kanilang mga anak.—FRJ, GMA Integrated News