Nagbalik-tanaw si Diana Zubiri sa kaniyang kontrobersiyal na sexy shoot noon sa EDSA flyover sa Ortigas para sa isang men’s magazine, na dahilan para makasuhan siya.
“Actually ito simpleng shoot lang, dinare (dare) ako ng manager ko. Sabi niya ‘Kaya mo bang mag-photoshoot sa EDSA? Siyempre kapag sinabing FHM sexy, tapos may mga dumadaan na sasakyan,” kuwento ni Diana sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes.
Pumayag si Diana sa shoot ngunit may isang kondisyon.
“Noong time na ‘yan lumabas ‘yung bagong model ng cellphone, ‘yung unang-unang may camera, Nokia ‘yun. Artista na ako wala akong cellphone, nakiki-text lang ako sa ate ko kapag may mga call time,” anang aktres.
Hiling ni Diana sa kaniyang manager noon na ibili siya ng cellphone na may camera.
“Sabi niya ‘Yun lang pala eh! Sige!’ Mali pala ‘yung hiniling ko, cellphone lang,” natatawang sabi ni Diana.
Sa mismong araw na ginawa nila ang sexy shoot, nakuha rin agad ni Diana ang kaniyang hiling na cellphone.
Pag-amin ni Diana, may parte na hindi siya naging masaya sa paggawa niya noon ng sexy roles.
“Happy? Medyo hindi masyado, kasi bata ako noong magsimula. I was just doing that kasi siyempre ‘yun ‘yung stepping stone ko, gusto ko talagang mag-artista noong time na ‘yun.”
“Doon ako dumaan, and hindi ko masasabing alam na alam ko ang ginagawa ko. Mahirap kasi at that age, hindi pa ako mulat sa kung ano siya, wala pa akong masyadong idea kung paano ang gagawin ko,” pagpapatuloy ng aktres.
“Kaya happy ako na nag-transform ang image ko agad-agad.”
Matatandaang mula sa paggawa ng sexy roles, gumanap si Diana bilang si Danaya sa Kapuso fantaserye na Encantadia 2005. -- FRJ, GMA Integrated News