Tatlong linggo makaraang mawalan ng komunikasyon sa kaniyang pamilya sa Batangas, hindi pa rin nahahanap ng mga awtoridad ang guro at beauty queen na si Catherine Camilon.
Ayon sa Police Regional Office 4A (PRO 4A), tikom ang bibig ng pulis na "person of interest" na umano'y karelasyon ni Catherine.
“Wala pa po siyang masyadong sinasabi. Wala po siyang inaamin o dine-deny about sa pagkawala ni Catherine," ayon kay PRO 4A Public Information Office chief Police Lieutenant Colonel Chitadel Gaoiran sa ipinadalang mensahe nitong Biyernes.
Nasa kostudiya ng pulisya ang nasabing POI habang isinasagawa ang imbestigasyon at paghahanap kay Catherine na huling nakita sa loob ng isang mall sa Lemery, Batangas noong Oktubre 12.
Una rito, inihayag ng pulisya na isang kaibigan ni Catherine ang nagsabi sa kapatid ng beauty queen tungkol sa umano'y relasyon ng pulis kay Catherine.
BASAHIN: Nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon, nakita sa isang mall sa Batangas
Ang naturang pulis ang sinasabing katatagpuin ni Catherine sa Batangas City nang araw na mawala siya.
Ang nasabi rin pulis ang nagbigay umano kay Catherine ng sasakyan na gamit nito nang araw na mawala. Hindi pa rin nahahanap ang naturang sasakyan, na lumitaw na may problema sa deed of sale.
BASAHIN: Deed of sale ng kotseng gamit ni Catherine Camilon, nakitaan ng problema ng pulisya
Mayroong nakalaang P250,000 na pabuya sa sinomang makapagtuturo sa kinaroroonan ni Catherine.
Si Catherine ang naging kinatawan ng Tuy, Batangas sa Miss Grand Philippines 2023 pageant. — FRJ, GMA Integrated News