Ibinahagi ni Kathleen Hermosa na nakaranas siya ng early miscarriage na naging dahilan ng pagkawala ng ipinagbubuntis niyang triplet.

Sa YouTube vlog, sinabi ng aktres na nakaranas siya ng blighted ovum o anembryonic pregnancy — isang uri ng pagbubuntis na nauuwi sa early miscarriage, ayon sa Mayo Clinic.

Sa anembryonic pregnancy, tumitigil ang pagbuo ng embryo. Hindi pa matiyak kung bakit ito nangyayari pero posible umanong may problema sa "chromosomes—the structures that contain genes—in the fertilized egg.”

Ayon kay Kathleen, noong Setyembre nila nalaman ng kaniyang mister na si Miko Santos na buntis siya. Ibinahagi nila ang magandang balita sa kanilang mga kaibigan, at sa kaniyang kapatid na si Kristine Hermosa at asawa nitong si Oyo Sotto.

Noong una, sinabihan umano sila ng duktor na twins ang kaniyang ipinagbubuntis, pero kinalaunan ay napag-alaman nilang triplet ang nasa kaniyang sinapupunan.

Sa vlog, inihayag din ni Kathleen ang pagkakaroon niya ng baby bump.

Gayunman, matapos na muling magpa-checkup, emosyonal na ibinahagi ni Kathleen ang malungkot na balita.

“The three sacks of our babies ay walang laman and I don’t wanna give you this sad story energy because naniniwala ako and I want to be excited for God’s plans,” saad niya.

“There’s nothing to blame,” dagdag ng 41-anyos na aktres.

“We’re all so excited for our triplets. [One] is already a blessing, two is more than enough, and three, naniniwala ako is a miracle kasi wala naman sa ‘ming triplets or twins, ganyan sa genes.”

Aminado si Kathleen na kinuwestiyon niya ang kaniyang pananampalataya at tinanong bakit ito nangyari. Ginawa naman daw niya ang mga kailangan gaya ng pagbabago sa kaniyang schedule, bedrest, at eating habits para sa kaniyang pagbubuntis.

Gayunman, hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa at patuloy na naniniwala sa Diyos.

“I’m not giving up ‘cause ang mundo ko ay puno ng miracles, so di talaga naniniwala na di kaya ni God gawin. Lahat kaya niyang gawin,” ayon kay Kathleen.

“Ito yung hiningi ko eh, ito yung pinagdasal ko, ito yung pinangarap ko, and then all of a sudden, wala. It’s gone,” pahayag niya. “But then again, I had to compose myself and pray to rest in Him, to rest in God.”

Sa video description, sinabi ni Kathleen na, “I learned that we are only humans, we make mistakes.

“We question God sometimes. And that’s normal for as long as we try sooo hard to make our hearts right with God. That we make sure we surrender to His plans. Because God never [makes] failed plans. [It’s] always ALWAYS the best plans,” saad niya.

Naniniwala si Kathleen na muli siyang magdadalang-tao.

“GOD WILL MAKE US PREGNANT AGAIN! With healthy both myself and triplets again! And He is no doubt capable of making it happen to you too!,” sabi niya sa Instagram post.

 

 

“No time to waste sulking, fretting and in sorrow. Let's not allow ourselves to go spiral down that way. We/ I choose to be in a space full of hope and excitement!,” dagdag niya.— FRJ, GMA Integrated News