Ikinuwento ni Lovely Abella na napaniginipan niya ang pumanaw na komedyante na si Joey Paras na dati niyang kasamahan sa GMA show na "Sunday Pinasaya."
Sa Instagram post, sinabi ng Kapuso actress na nakita niya ang burol ni Joey sa social media post bago siya nakatulog.
"Nagkita daw kami somewhere at ang sabi niya sakin," saad ni Lovely, at nagtanong pa raw ang komedyante na, "Gaaaaaaaaaaa totoo bang patay na ako?"
Kuwento ni Lovely, hindi malungkot sa kaniyang panaginip si Joey.
"Hindi siya malungkot, 'yung face niya maaliwalas, kung paano kami nagkikita sa Sunday Pinasaya," patuloy niya.
Sinabi umano umano sa kaibigan na, "Oo ma, pupuntahan natin ngayon kung saan ka nakaburol, sobrang ganda ma matutuwa ka kasi napapaligiran ka ng flowers."
At nang puntahan na nila ang burol, nakita raw ito ni Joey at sinabing, "Oo nga Ga ang ganda."
Patuloy pa ng aktres, "darating mga bisita mo mamaya kung may gusto kang ipasabi, sabihin mo sa 'kin ako magsasabi sa [kanila]."
Ngunit doon na umano nagising si Lovely at agad niya itong ikinuwento sa kaniyang mister na si Benj Manalo. "[Sabi] niya pakinggan mo kung ano ang sasabihin."
Pag-amin ni Lovely, hindi niya alam kung ano ang kahulugan ng kaniyang panaginip. Pero nakita niya na isinuko ni Joey ang sarili sa Diyos bago pumanaw.
"Kaya hindi masakit para [sa kanya] o walang pagsisisi akong narinig mula [sa kanya]," ani Lovely, na inalala ang kabaitan nito sa kaniya noong makasama pa sila sa nasabing show.
"Grabe nalungkot ang puso ko, dahil isa siya sa nakatrabaho ko na napakabait at hindi pinagdadamot ang talentong pinagkaloob [sa kanya] ni Lord, lagi niya ako tinutulugan at lagi ako nagpapatulong saknya kung paano ang tamang atake ng ibang eksena ko sa ['Sunday Pinasaya,']," paglalahad niya.
Idinagdag ni Lovely na ipinakita sa kaniya ni Joey na sadyang maigsi ang buhay, "na kailangan nating ingatan ang buhay na binigay sa atin, wag nating abusuhin ang katawan natin kahit alam nating kaya pa, magipon tayo habang kumikita at may trabaho pa, para kahit papano handa tayo sa mga [mangyayari]."
Mensahe niya kay Joey, "Marami ang nagmamahal sayo ma at isa na ako don."
"May we request to include him in your prayers for the eternal repose of his soul," hiling niya.
Pumanaw si Joey noong Linggo sa edad na 45.
Bagaman hindi sinabi kung ano ang kaniyang ikinamatay pero dati na siyang nagkaroon ng problema sa puso.
Ilan sa mga pelikula at teleserye na ginawa ni Joey ang "Bekikang: Ang Nanay Kong Beki," "Last Supper No. 3," "Babagwa," at "Mulawin vs. Ravena." —FRJ, GMA Integrated News