Masayang ikinuwento ni Ruru Madrid ang aksidenteng pagkikita nila ni Coco Martin sa isang event kamakailan. Ayon sa  Kapuso Primetime Action Hero, niyakap siya nang mahigpit ng Kapamilya star.

Sa panayam ng press kay Ruru sa media conference ng “Black Rider” nitong Biyernes, ikinuwento ni Ruru na siya ang unang lumapit kay Coco para magpakilala nang magkita sila sa event.

“Sakto nandoon si sir Coco. Nilapitan ko po siya, nakaupo siya, sabi ko, ‘Sir Coco magandang gabi po!’ Tapos bigla siyang tumingin sa akin, tapos tumayo, tapos niyakap niya ako nang mahigpit. As in mahigpit na mahigpit, sabi ko, ‘Sir Coco, malaking karangalan pong makilala kita!’” sabi ni Ruru.

Ayon kay Ruru, si Coco pa ang naglahad ng papuri nito sa kaniya, na sinabing napanood nito ang "Lolong," ang Kapuso action series na dating pinagbidahan niya.

“Sabi niya, ‘Hindi! Ako ang dapat magsabi nu’n!’ Lagi kitang pinapanood, ang galing-galing mo. Napanood ko ‘yung 'Lolong.’' Sabi niya, ‘Sobrang husay mo, pagbutihin mo ‘yan,’” pagbahagi pa ng “Black Rider” star sa sinabi sa kaniya ni Coco.

 

 

Hinikayat din aniya siya ni Coco na ipagpatuloy ang kaniyang ginagawa.

“‘Pinaghahandaan ka na namin’ tapos tumawa siya. Niyakap po niya ulit ako, ang sabi niya sa akin, ‘Pagbutihin mo ‘yang ginagawa mo, nakikita ko ‘yung pagiging makatao mo. Ipagpatuloy mo.’ Sobrang na-a-appreciate ko,” sabi pa ni Ruru.

Ayon kay Ruru, labis din ang paghanga niya kay Coco na hindi umano madali ang ginagawang pagdidirek at siya rin ang artista.

“Sobrang iniidolo ko siya kasi nga nakikita ko ‘yung pagmamahal din niya sa trabaho. Hindi po biro ang ginagawa niya na mag-direk, hindi biro na habang nagdi-direk siya, siya rin ang artista, may fight scenes. So ang taas po ng respeto ko sa kaniya,” ayon kay Ruru.

Sinabi ni Ruru na hindi mawawala ang kompetisyon, ngunit mas pinagtutuunan niya na makapaghatid ng kasiyahan sa mga manonood.

“Kaya for me ‘yung competition, of course nandiyan ‘yan, hindi mawawala ‘yan. Pero mas naka-focus ako na makapagbigay ng magandang programa para sa mga manonood.”

Kasama ni Ruru sa Black Rider sina Kylie Padilla, Yassi Pressman, Matteo Guidicelli, Jon Lucas, Rainier Castillo, Katrina Halili, Zoren Legaspi, Gladys Reyes, Empoy, Jayson Gainza at Janus del Prado.

Kasama rin ang hinahangaang action stars na sina Roi Vinzon, Monsour Del Rosario, Raymart Santiago, at Gary Estrada.

Mapapanood na ang “Black Rider” simula Nobyembre 6 sa GMA Telebabad. -- FRJ, GMA Integrated News