Ikinuwento ni Herlene Budol na nagtrabaho siya sa bar bilang waitress para matustusan ang kaniyang pag-aaral. May pagkakataon umano na pumapasok siya na may hangover at nakakatulog sa klase.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ni Herlene na produkto siya ng isang broken family dahil hindi magkasundo ang kaniyang mga magulang.
“Feeling ko naman talagang hindi sila para sa isa’t isa. Kasi na-‘gin bilog’ lang daw ‘yung mama ko dati, kumbaga nabuo lang ako dahil sa alak,” sabi ni Herlene. “Tinry (try) nilang magsama kaso hindi talaga ho.”
Sa kabila ng sitwasyon, natanggap ito ni Herlene sa kaniyang pagkatao.
“Hindi ako nabuo sa ‘make love,’ pero naging love naman talaga ‘yung bunga, ito (itinuturo ang sarili),” anang beauty queen. “Manhid na manhid na ho ako para sa broken family naming issues.”
Ayon kay Herlene, naging mas mabuti pa ang pagsasama nilang pamilya noong naging magkaibigan na lang ang kaniyang mga magulang.
“Kapag naging mag-jowa ‘yan, nako, nililipad na naman ng mga kaldero,” saad niya.
Sa edad na 15, si Herlene na ang nagpaaral sa kaniyang sarili mula high school hanggang college, at nakatapos ng pag-aaral.
“Maraming salamat din po talaga roon sa mga teacher ko na umunawa sa akin na kapag pumapasok ako, lasing ako,” pag-amin niya.
Ikinuwento niya na isa sa mga naging trabaho niya ang pagiging waitress sa bar.
“Pumapasok din po ako sa bar eh. Kapag po pumasok ako sa school, lasing ako. Minsan nakakatulog ako. Ayun po ‘yung mga panahon na umiinom ako ng alak na hindi ko naman gusto,” ipinaliwanag niya na nakakatanggap siya ng tip kapag binagbigyan niya ang kostumer na uminom.
Paglilinaw naman niya, hanggang sa pagiging waitress lamang ang kaniyang trabaho at hindi na pinasok ang pagbibigay ng iba pang serbisyo.
“Nang-uuto po ako ng mga manginginom doon tapos sa-shot din ako tapos magti-tip din sa akin,” sabi niya.
Dahil sa kaniyang karanasan, natuto na siyang tumayo sa sarili niyang mga paa.
“Ang hirap po ng walang sariling pera. Na-realize ko na puwede naman akong kumita ng sarili ko dahil mukha naman po akong matured,” ani Herlene.
Kung kaya naman sinusulit ni Herlene ngayon ang mga biyayang kaniyang natatanggap.
“Ayokong gugutumin ko ‘yung sarili ko Ms. Jessica. Tapos na ako sa part na ginugutom ko ‘yung sarili ko noong elementary ako kasi tinitipid ko ‘yung pera ko para may maganda akong outfit sa Pasko,” sabi ni Herlene.
Mula sa pagiging contestant, naging co-host si Herlene ng isang show, hanggang sa mabigyan ng break na mag-artista, at ngayon ay bida na sa afternoon TV series na "Magandang Dilig." --FRJ, GMA Integrated News