Nakasama ni Heart Evangelista na manood ng “Five Breakups and a Romance” ang mismong leading man nito na si Alden Richards. Ang aktor, tinanong ang Kapuso fashion at style icon kung kailan sila gagawa ng kanilang proyekto.

Sa kaniyang Instagram, na makikita rin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, ibinahagi ni Heart ang ilang larawan ng movie night nila ni Alden.

Inihayag ni Heart ang kaniyang pagbati sa tagumpay ng pelikula nina Alden at Julia Montes.

“Movie night with @aldenrichards02, congratulations, #5breakupsandaromance” caption niya.

Hindi naiwasan ng fans na ma-excite nang tanungin ni Alden si Heart sa comments section kung kailan sila magsasama sa isang proyekto.

“Kelan tayo?” tanong ng Asia’s Multimedia Star kay Heart.

Pinusuan ng netizens ang komento ni Alden, lalo’t gusto nilang makitang magkasama sina Alden at Heart sa isang pelikula.

Present din sa movie night ang direktor nitong si Irene Villamor, at si GMA Vice President for Business Development Department III (Entertainment Group) Gigi Santiago.

Ang “Five Breakups and a Romance” ang unang collaboration ng GMA Pictures, Cornerstone Studios, at MYRIAD Corporation, na siyang multimedia company ni Alden. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News