Dahil sa tagumpay ng tambalan nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo, maraming fans ang gustong maging sila na rin sa tunay na buhay. Sumagi naman kaya noon sa isip ng aktor ang gustong mangyari ng fans? Alamin.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, inamin ni Lloyd Cruz na hindi nila pinag-usapan ni Bea ang tungkol sa pagkakaroon ng romantikong relasyon.

Sinabi rin ni John Lloyd na nailang siya sa gustong mangyari ng iba para sa kanilang dalawa ng aktres.

"Para akong nagsisinungaling kung sasabihin kong kahit isang beses hindi ako nailang doon sa gusto ng tao at hindi siya sumagi sa isip ko,” saad ni John Lloyd nang tanungin ni Tito Boy kung na-bothered ba siya sa nais ng ilang fans na maging sila ni Bea.

“Pero as people, ‘yung kaming dalawa ni Bea, bilang part ng build namin… Isa ‘yun sa mga pinaka-fascinated din ako, doon sa kung paano namin siya hinandle nang hindi namin pinag-uusapan. Never naming pinag-usapan ‘yun eh,” pagpapatuloy niya.

Naging maingat si John Lloyd sa mga sumunod niyang sinabi.

“Pero siguro titigil na akong magsalita bago pa ako…,” natatawa niyang sabi.

Sa tagal ng kanilang pinagsamahan, sinabi ni John Lloyd na hindi nawawala ang saya nila ni Bea sa tuwing magkikita.

“Kami ni Bea, laging hindi mawawala ‘yung bitter-sweet, ‘yung nostalgic na pagka nagkikita kayo, lalo na kapag hindi inaasahan,” anang aktor. “Hindi mo siya made-deny na nag-e-exist kahit sa hangin.”

“Hindi siguro mawawala ‘yung ganu’ng pakiramdam. And ‘yung lagi mong hangad na sana okay siya, ‘yung pamilya niya, especially ang nanay niya,” pagpapatuloy pa ni John Lloyd.

Inilahad ni John Lloyd ang mensahe ni Bea, na engaged na ngayon sa nobyo nitong si Dominic Roque.

“Gusto kong mag-enjoy siya, gusto kong maging masayang masaya siya sa bagong yugto na pinapasok niya. Kasi mula noon kilala ko na siya, hanggang ngayon. Gusto ko lang maging masaya ‘yung isang taong napakabuti hindi lang sa akin," ani John Lloyd.

"Napakabuting tao niya sa maraming tao sa industriya, napakabuti niya sa maraming staff, sa mga production na naging bahagi ng mga buhay namin. At higit sa lahat napakabuti niya sa pamilya,” patuloy ng aktor.

Sabi pa ni John Lloyd, "Ngayon gusto niyang bumuo ng sariling pamilya, sigurado ‘yun din ang magma-manifest sa binubuo niya. I’m really happy for Bea.”

Sa naturang panayam, inihayag din ni John Lloyd na nobya niya ang visual artist na si Isabel Santos.-- FRJ, GMA Integrated News