Kinumpirma ni John Lloyd Cruz na nobya niya ang artist na si Isabel Santos, na nakikitang kasama niya sa mga larawan sa social media posts.

“Si Isabel ay girlfriend ko,” sabi ni John Lloyd sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.

“What can I tell you? Wala, we're boring people,” biro ng aktor. “Wala kaming maikukuwento.”

Ngunit kalaunan, inilahad din ni John Lloyd kung paano sila nagkakilala ni Isabel.

“Matagal na kaming magkakilala. Gallery nila ‘yung una kong pinasok na gallery. It was at the time na bago pa lang ako tumigil with [ABS CBN]. Napadpad ako sa pag-e-explore. Sila ‘yung mga una kong nakilala, ‘yung family nila, kung sino ang patrons ng gallery nila,” pagbahagi ng aktor.

Ayon pa kay John Lloyd, matagal na rin silang nag-uusap ni Isabel.

“We were talking before pero hindi nag-evolve into something ideal for us at the time. Mula noon present na rin siya sa buhay ko,” sabi pa niya.

Dahil kay Isabel, mas namulat pa raw ang pananaw ni John Lloyd tungkol sa kasal.

“She's very elemental sa mga ganiyang bagay, kung paano namo-mold ‘yung kung ano man ang lumalabas sa bibig ko, kung ano man ang bumubuo sa isip ko. Siyempre ‘yung consideration lagi for the two of us, especially para sa kaniya, laging nandoon,” paliwanag niya.

Noong Father’s Day nitong Hunyo, sumulat si Isabel ng isang madamdaming mensahe para kay John Lloyd.

“And to the guy who deepened my understanding of a father’s love, sacrifice and effort. Happy Father’s Day to you,” saad ni Isabel sa caption.

Nagsimulang maging usapan ang pagkakamabutihan nina John Lloyd at Isabel noong 2021. Ipinagdiwang din nila ang kaarawan ng aktor kasama ang “Happy ToGetHer” cast noong 2022.

Nakita rin silang magkahawak ang mga kamay sa ilang event. Nito ring taon, isinama nila si Elias sa isang camping trip. --FRJ, GMA Integrated News