Naniniwala ang Police Regional Office 4A na buhay at nasa bansa ang nawawalang beauty queen na si Catherin Camilon. Tumaas naman sa P200,000 ang pabuya sa makapagtuturo ng kaniyang kinaroroonan.
“Optimistic po ang ating mga kapulisan na itong si Ms. Catherine ay buhay pa," sabi ni PRO 4A chief Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas sa Dobol B TV nitong Martes.
Ayon kay Lucas, batay din sa kanilang imbestigasyon, hindi umalis ng bansa si Catherine.
Mayroon na umano silang person of interest pero tumanggi si Lucas na magbigay ng impormasyon tungkol dito habang patuloy ang kanilang imbestigasyon.
Tumaas naman sa P200,000 ang pabuyang alok sa makapagtuturo ng kinaroroonan ni Catherine. Ang naturang pabuya ay mula kay Batangas Vice Governor Mark Leviste, at isang business sector sa Batangas.
Sa sinumang may impormasyon tungkol sa nawawalang beauty queen, maaaring makipag-ugnayan sa pulisya sa 0917-3295952, ayon kay Lucas.
Huling nakita si Cathrine, Miss Grand Philippines 2023 candidate, na mula sa Tuy, noong October 12 sa isang mall sa Lemery.
Ayon sa kaniyang ina, nagpaalam ang anak na pupunta sa Batangas City dahil may kakatagpuin.—FRJ, GMA Integrated News