Inihayag ni Jodi Sta. Maria na hindi pa siya nakaramdam ng labis na kaba sa kaniyang buhay nang gawin ang isang passionate na kissing scene kasama si Joshua Garcia para sa "Unbreak My Heart."

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Lunes, tila nasorpresa si Jodi nang tanungin siya ni Tito Boy tungkol dito.

"It was great! Charot," natatawang biro ni Jodi.

Ngunit ayon sa aktres, ito ang kinakailangan sa eksena.

“Siyempre nasa scene ‘yun, kailangan kasi talagang passionate, ganu’n ‘yung encounter with Renz, and ang iniisip ko na lang, si Renz ‘to,” saad niya.

Inamin naman niyang labas ang kaniyang kaba habang kinukunan ang halikan nila ni Joshua.

“I have never been so nervous in my entire life na ang hirap kasi talaga gumawa [ng ganu’ng scene],” ani Jodi.

Nagpasalamat naman si Jodi sa sensuality workshop nila ni Joshua para sa "Unbreak My Heart," kaya alam nila ang mga limitasyon ng mga actor kapag gumagawa ng intimate scenes.

“Importante na ma-set ‘yung boundaries eh, doon sa mga ganu’ng klaseng eksena,” sabi ni Jodi.

“Siyempre, para magkaroon ng trust sa ka-eksena mo and at the same time, ‘yung alam niyo na ‘Nirerespeto kita, na I won’t make you feel violated,’” dagdag niya.

Pinagbibidahan din ang “Unbreak My Heart” nina Richard Yap at Gabbi Garcia, na napapanood sa GMA Telebabad, Pinoy Hits, at I Heart Movies ng 9:35 p.m. at 11:25 p.m. sa GTV mula Lunes hanggang Biyernes.

Napapanood din ang “Unbreak My Heart” sa GMA Pinoy TV at TFC. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News