Muling magtatanghal sa Pilipinas ang English singer-songwriter na si Ed Sheeran sa susunod na taon.

Dadalhin ni Ed Sheeran sa Pilipinas ang kaniyang + - = ÷ x Tour na gaganapin SMDC sa Festival Grounds sa Paranaque City sa March 9, 2024.

Ayon sa Ovation Productions, mabibili ang ticket sa October 26 sa ganap na 12 p.m. via ovationtickets.com at smtickets.com.

Dating nang nagtanghal sa Manila si Ed noong 2015 at 2018. Lumabas naman siya sa isang episode ng “All Out Sundays” noong 2021.

"The first time I came to the Philippines and I've never ever felt that much love from a place ever," ayon kay Ed.

Nitong nakaraang Marso, inilabas ni Ed ang kaniyang latest album na “Subtract.” Sinimulan niya ang kaniyang concert tour sa US bilang suporta sa kaniyang album, na tinawag niyang "most honest" album niya.

Kasama sa album ang heartbreaking single na “Eyes Closed.”  Kabilang sa mga hit song ni Ed ang “Perfect,” “Shape of You,” “Photograph,” “Lego House,” at marami pang iba.—FRJ, GMA Integrated News