Isa pang damit na may kaugnayan sa namayapang  “Master Rapper” na si Francis Magalona ang binili ni Jayson Jay Luzadas o "Boss Toyo," sa halagang kalahating milyon o P500,000. Ang nagbenta, nagpakilalang naging karelasyon umano noon ni Francis.

Sa video post ni Jayson sa Youtube na Pinoy Pawnstars, nagpakilala ang babaeng nagbenta ng jersey ni Francis na si Abegail Rait, na mula sa Cavite.

Ayon kay Abegail, dati siyang flight attendant, at nagkaroon sila ng isang anak na babae ni Francis.

Sa umpisa, atubili si Abegail na magbigay ng presyo sa jersey at nais niyang si Jayson na lang ang magbigay ng presyo. Pero hinikayat ni Jayson si Abegail na magbigay muna ng halaga sa jersey.

"P700,000?," sabi ni Abegail.

Una rito, ikinuwento ni Abegail na nagkakilala sila ni Francis nang manood siya noon sa Eat Bulaga.

Ibinigay umano sa kaniya ni Francis ang naturang jersey bilang alaala niya noong 2006 o 2007.

Ayon kay Abegail, suot ni Francis ang naturang jersey nang umuwi ito sa kanila sa Cavite.

“Gusto ko kasi maalala mo itong jersey na ito habang suot ko. Para every time ma-miss mo ako, you just have to wear it or hug it, or place it beside you bago ka matulog,” sabi ni Abegail.

Nang panahon na iyon, sinabi ni Abegail na may nararamdaman na sa kalusugan si Francis na kinalaunan ay natuklasan na may cancer na dahilan ng kaniyang pagpanaw noong March 2009.

Dahil na rin sa kuwento ng jersey, tumawad si Jayson ng P350,000. Ibinaba naman ni Abegail ang presyo niya sa P600,000, hanggang sa magsara sila sa P500,000.

Ayon kay Abegail, tamang maibenta niya ang jersey ni Francis kay Jayson na kilalang nangongolekta ng mga gamit ng mga celebrity.

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," inihayag ni Jayson ang hilig niya ng pagkolekta ng mga gamit na may kaugnayan kay Francis.

Ipinakita rin noon ni Jayson ang koleksyon niya ng tatlong polo  na may disenyo ng 3 star and a sun, at ginamit nina Francis, Chito Miranda at Gloc 9 sa music video na "Bagsakan," na itinuturing niyang prized possession na nabili niya sa kabuuang halaga na P850,000.


Kuwento ni Jayson, nabili niya ang polo ni Gloc 9 sa halagang P80,000. Ang polo naman ni Chito, nabili niya sa auction sa halagang P150,000.

Pinakamahal naman ang polo ni Francis na nabili ni Jayson sa auction sa halagang P650,000.

Isang kolektor naman ang nagka-interes sa naturang tatlong polo na nais bilhin mula kay Jayson sa halagang P2 milyon pero hindi niya ibinenta.

Samantala, sinusubukan pa ng ng GMA News Online na mahingan ng komento ang kabiyak ni Francis na si Pia Magalona tungkol sa mga impormasyon na sinabi ni Abigail. --FRJ, GMA Integrated News