Inihayag nina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz ang kanilang pag-aalala para sa mga kababayan sa Israel na nadamay sa giyera doon ng Israeli forces at militanteng Hamas.
“‘Pag nandoon ka apektado ka na rin sa mga nangyayari eh, kung kumusta ba ‘yung mga kababayan natin doon, ilan ba ang mga nadamay at kung kumusta ‘yung sitwasyon ng gulo nila?” sabi ni Rayver sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.
Umaasa si Rayver na kaagad sanang matapos ang gulo.
“Sa totoo lang Tito Boy, hindi pa rin nawawala sa sistema namin kung ano ang mga nangyari, because we were there,” dagdag naman ni Julie.
“And siyempre ang hirap ding tanggalin sa amin, siyempre napamahal na kami sa lugar na ‘yun. And hindi lang ‘yung lugar na ‘yun but also our kababayans there,” sabi pa ng Asia’s Limitless Star.
Inilahad ni Julie na nang sandaling nangyayari ang kaguluhan nang nandoon sila, sumandal sila sa dasal at pananampalataya.
“All the time, the whole time Tito Boy. Sobrang ironic nga eh kasi nasa Holy Land kami, and then at the same time this is all happening. Na-realize namin na, grabe. Hindi namin ma-explain ‘yung feeling pero ito talaga ‘yung time na kailangan na nating magdasal and really have faith,” anang Sparkle singer-actress.
“Praying talaga pati sa buong Israel, na hoping ka na hanggang du’n lang ‘yon,” dagdag naman ni Rayver.
Nakatakda sanang mag-perform sina Julie Anne, Rayver at Boobay sa Smolarz Auditorium ng Tel Aviv University para sa “Luv Trip Na, Laff Trip Pa" gabi ng Oktubre 7, Sabado, nang makansela ito dahil sa sitwasyon.
Nakauwi na sa bansa nitong Lunes sina Julie, Rayver Boobay at ang Sparkle team mula sa Tel Aviv, Israel.
Napaulat na higit 1,000 na ang nasawi sa Israel sa ginawang pag-atake ng Hamas, at ganoon din sa Gaza na sinalakay naman ng Israeli forces para tugisin ang Hamas group.
Tatlong Pinoy na ang kumpirmadong nasawi, at may mga nawawala pa. -- FRJ, GMA Integrated News