Inihayag ng band member ng Ben&Ben na si Toni Muñoz na na-diagnose siya na may bell’s palsy. Dahil dito, paralisado ang kaliwang bahagi ng kaniyang mukha.
Sa kaniyang Instagram, na makikita rin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ni Toni na kamakailan lamang siya nagkaroon ng lakas ng loob para ibahagi ang kaniyang kondisyon.
“Meron akong life update: a few days before we flew to Sydney for Ben&Ben’s 1MX show, I was diagnosed with Bell's Palsy. The left side of my face is paralyzed…” sabi ng Ben&Ben percussionist.
Dahil dito, bahagya niya lamang naingingiti ang kaniyang mukha.
“[S]o as some of you might have noticed (lalo na sa mga na-meet namin sa Sydney), I can only wear half a smile, and there’s bit of change in the way I speak.”
Naninibago si Toni sa kaniyang kondisyon, at inaming hindi ito madali.
“I am slowly getting used to this day by day, but I wouldn’t be truthful if I said that it’s easy. It’s a roller coaster of an experience, physically, mentally, emotionally,” ani Toni.
Gayunman, “very grateful” pa rin si Toni sa mga patuloy na nagmamahal at sumusuporta sa kaniya, at nakakakanta pa rin siya.
Umaasa si Toni sa kaniyang paggaling, at nananatiling matatag para sa kaniyang fans.
“Gagaling naman ako, kailangan lang maghintay. Sa ngayon, kahit kalahati lang ang aking mga ngiti, buo pa rin ‘yan galing sa aking [heart emoji],” sabi niya.
“Kasali talaga sa buhay ang mga sorpresa. Kaya nga ito maganda. Marami pa ring dapat ipagpasalamat,” pagpapatuloy ni Toni.
Ang bell’s palsy ay isang temporary condition na nagdudulot ng muscle weakness sa kalahating bahagi ng mukha.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News