Inilahad nina Lala at Antonio Vinzon na nasasaktan sila sa tuwing napapanood na sinasaktan o “pinapatay" ang karakter ng kanilang amang si Roi Vinzon kaya iniiwasang nilang panoorin ang mga pelikula nito.
“Noong six-years-old po ako naalala ko napanood ko siya sa TV for the first time. Sabi ko ‘Oh andito si papa pero bakit siya laging pinapatay?” sabi ni Lala sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.
BASAHIN: Paalala ni Roi Vinzon sa mga anak: ‘Sa showbiz, hindi ka kukunin kapag masama ang ugali mo'
“Kontrabida po kasi lagi siya. So ever since ayoko ng nanonood ng movies niya. Kasi ng kontrabida laging namamatay sa pelikula,” dagdag niya.
Ngunit naobserbahan ni Lala na mas bukas na ang kaisipan ng mga tao ngayon na may pumapabor sa kontrabida.
Inilahad din ni Lala ang maling akala ng ilang tao tungkol sa pagiging action star ng kaniyang ama na kinatatakutan.
“Ever since po talaga may misconception kasi ‘yung intimidation ng mga tao sa kaniya, masyadong malakas, masyadong matapang,” anang Sparkle actress.
“Pero ang hindi alam ng nakararami, si papa po talaga ang under sa aming lahat. Hanggang ngayon dinidisplina niya po kami pero open din siya sa ideas namin, nakikinig din siya at open siya sa ideas ng mga kabataan, si mama. Kasi very adjustable person siya,” dagdag niya.
Si Antonio naman, hinahangaan ang kaniyang ama sa pagdisiplina nito sa kanilang magkakapatid.
“Dinidisiplina po kami kung paano maging mabuting tao kasi ayaw niyang maligaw ‘yung path namin,” sabi ng Kapuso heartthrob. “Salita lang talaga. Stronger po ‘yung salita.” -- FRJ, GMA Integrated News