Sinabi ni Kazel Kinouchi na nakaka-relate siya sa kaniyang karakter na si Zoey sa "Abot-Kamay na Pangarap" dahil sa naging sitwasyon niya sa kaniyang ama sa tunay na buhay na hindi niya nasilayan.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, inihayag ni Kazel na sinubukan niyang hanapin noon ang kaniyang ama.

"We haven't met. I don't have any idea how he looks like hanggang ngayon," sabi ni Kazel. “I tried to look for him pero noong early 20s. By the time that I tried to look for him, he passed away na pala.”

Nalaman ni Kazel ang tungkol sa pagkamatay ng kaniyang ama mula sa kaniyang pinsan.

Ayon kay Kazel, posibleng nahanap niya ang kaniyang ama kung may mga social media na noon.

Dahil sa nangyari, sinabi ni Kazel na lumaki siyang hindi na niya tinatanong pa ang tungkol sa kaniyang ama.

"I don't know if it's just me pero alam mo 'yun Tito Boy, pagkalabas mo pa lang, kakapanganak mo pa lang, growing up without a father, hindi ko na natanong," sabi ng aktres.

"Tsaka, I was full of love naman eh. I was a lola's girl. I was raised by my lola tapos 'yung tita ko," dagdag niya.

Bukod dito, ayaw niya na ring ilagay sa isang hindi komportableng sitwasyon ang kaniyang ina.

Ayon pa kay Kazel, hindi rin nila pinag-usapan ng kaniyang ina ang tungkol sa kaniyang ama.

"Never din siyang nag-open up sa 'kin," aniya.

Gayunman, inamin ni Kazel na may mga pagkakataong nalulungkot siya dahil sa kawalan ng ama.

"Kunyari may mga, 'yung mga classmates ko, may father sila, complete family, may family event, pero 'yun, lagi kong kasama 'yung lola ko."

Dahil dito, naka-relate si Kazel sa kaniyang karakter na si Zoey sa "Abot-Kamay na Pangarap"

"Si Zoey kasi, 'yung character niya, she longs for a dad. Meron siyang dad, pero wala siyang time," sabi ni Kazel.

Napapanood ang "Abot-Kamay Na Pangarap" mula Lunes hanggang Sabado ng 2:30 pm pagkatapos ng "Eat Bulaga." -- FRJ, GMA Integrated News