Dinakip ng mga awtoridad ang aktor na si Ricardo Cepeda sa Caloocan City kaugnay sa kinakaharap na kasong syndicated, ayon sa Quezon City Police District (QCPD).

Inaresto si Ricardo, o Richard Go sa tunay na buhay, 58-anyos, ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa ilalim ni Police Major Don Don Llapitan.

BASAHIN: Marina, biyayang itinuturing ang pagdating ni Ricardo sa buhay nila ng kaniyang mga anak

Ang pag-aresto ay base sa warrant of arrest na inilabas laban sa kaniya ni Regional Trial Court Branch 12 Executive Judge Gemma P. Bucayu-Madrid sa Sanchez Mira, Cagayan.

Pinuri ni QCPD acting director Police Brigadier General Redrico Maranan ang ginawang pag-aresto ng CIDU operatives sa aktor.

"Patuloy din po ang inyong kapulisan sa paghahanap sa mga wanted persons para masiguro ang kaligtasan ng bawat isang mamamayan," ayon sa opisyal.

Si Ricardo ay dating mister ni Snooky Serna at kasalukuyang partner ni Marina Benipayo.—FRJ, GMA Integrated News