Inihayag ni Sanya Lopez na bukas siya na magkaroon na ng love life kung may darating. Plano rin niyang magbakasyon sa ibang bansa bago niya simulan ang isang upcoming big project.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ng Kapuso First Lady of Primetime, na handa siyang pagsabayin ang love life at trabaho.

“Sabi ko nga, kung masabay man during nagtatrabaho ka at may dumating na love life, why not naman,” ani Sanya nang makapanayam sa contract-signing event ng isang jewelry line na iniendorso niya.

“Pero sabi nga nila, since medyo ready-ready na tayo, puwede na tayong... lumandi,” natatawang niyang pahayag.

Tungkol sa kaniyang upcoming big project, sinabi ni Sanya na, “Nakaka-excite siya, sinabi na sa akin kung anong mga magaganap, napakaganda.”

Pero bago ang naturang proyekto, plano ni Sanya na bumiyahe sa Japan na mag-isa pero...

“Baka mag-Japan. I’ll try na mag-travel mag-isa pero kung may sumama, go, tara na,” masaya niyang pag-imbita.

Nitong nakaraang linggo, pumirma ng exclusive contract sa GMA Network si Sanya.

Kabilang sa mga pinagbidahan ni Sanya ang fantaserye na "Mga Lihim ni Urduja," at ang "First Yaya" at "First Lady." --FRJ, GMA Integrated News