Inaresto at nakadetine sa Manila Police District Station 3 in Quiapo, Manila ang kontrobersiyal na drag artist na si Pura Luka Vega.
Sa ulat ni Manny Vargas sa DZBB Super Radyo, sinabing dinakip si Pura sa bisa ng warrant of arrest na inilabas bunsod ng reklamong isinampa laban sa kaniya dahil sa pagtatanghal niya na nakabihis na tila santo at may tugtog na "Ama Namin."
BASAHIN: Pura Luka Vega sa pagdedeklara sa kaniyang persona non grata: 'What I did wrong?'
Ang reklamo laban kay Pura ay inihain ng mga deboto ng Itim na Nazareno na Hijos del Nazareno. Inakusahan nila si Pura na nilabag ang Revised Penal Code Article 201 at binastos ang paniniwala o relihiyon ng iba.
"Pura Luka Vega was arrested this afternoon after failing to attend the preliminary investigations of the criminal case filed against them in Manila," sabi ni "Drag Den" creator Rod Singh sa X, (dating Twitter).
Ayon kay Singh, inilabas umano ang arrest warrant "despite filing a motion to reopen today."
"There was no subpoena received by PLV or their team for the preliminary investigations in Manila. Meanwhile, PLV diligently attends their preliminary investigations in QC," sabi pa niya. "Drag is not a crime. Free Pura Luka Vega!"
Nitong Hulyo, inireklamo rin si Pura ng mga lider ng Philippines for Jesus Movement sa Quezon City.
Sa nakaraang panayam, sinabi ni Pura na hindi niya layon na mambastos sa ginawa niyang pagtatanghal na pinatugtog ang "Ama Namin" sa remix version.
"I just want to create a narrative that despite all of these, Jesus, as the embodiment of God's love for all, does not forget about the oppressed, including the LGBTQIA+ community," saad niya.
Ilang lungsod at lalawigan ang nagdeklara kay Pura na persona non grata.
Kabilang ang Laguna, Nueva Ecija, General Santos City, Floridablanca sa Pampanga, Toboso sa Negros Occidental, at maging sa City of Manila.—FRJ, GMA Integrated News