Inihayag ni Sandara Park na dati siyang nagkaroon ng boyfriend, ngunit itinago niya ito para maiwasang mapag-usapan sa publiko.

Sa vlog ni Luis Manzano nitong Martes, sinabi ni Sandara na hindi siya nagkuwento sa kaniyang love life kahit kailan dahil mahirap na maging bukas bilang isang public figure.

“After 20 years, umalis ako ng [Pilipinas] mga 2007, and I never revealed about my love life kasi gusto ko private lang,” sabi ni Sandara kay Luis sa vlog na pinamagatang “Luis listens to Sandara Park.”

“Syempre, nagkaroon din ako ng boyfriend,” pagpapatuloy niya.

Ayon pa kay Sandara, umiiwas siya noon na maging laman ng mga tsismis sa pamamagitan ng paglilihim ng ibang mga bagay tungkol sa kaniyang buhay.

“Kasi when I reveal my love life, lahat tayo ‘di ba, we can date, we can breakup, pero hay nako, kung nalaman ng mga tao, they will talk about it forever,” saad niya.

Samantala, ibinahagi rin ni Sandara na bukod sa pagsuporta sa kaniyang mga kaibigan sa mga concert ng mga ito sa Pilipinas, bumabalik-balik din siya para sa Pinoy food.

“Syempre yung mga food, sinigang na hipon, sisig, pinakbet,” anang K-Pop idol.

Matapos i-release ang kaniyang self-titled EP, sinabi ni Sandara na sunod niyang pangarap ang magkaroon ng tour para rito.

“Before, ang dream ko lang is to release my own album, pero ngayon ang dream ko is to have a tour,” sabi niya.

“Hindi naman do’n sa mga arena levels, kahit ‘yung maliit lang na venue, gusto ko mag tour again kasi may mga fans pa rin ako all over the world,” dagdag pa ni Sandara.

Lumipad si Sandara sa Pilipinas para suportahan si Bambam sa unang solo concert nito sa bansa.

Naging panauhin din kamakailan si Sandara sa “It’s Showtime.” —VBL, GMA Integrated News