Inihayag ni Faith Da Silva na gusto niyang maranasan muli na makipag-date. Ikinuwento rin niya ang hindi niya malilimutang date na inaya niya ang lalaki na kumain sa karinderya.
“Matagal na rin akong hindi nakikipag-date. I wanted to experience it again,” sabi ni Faith sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.
Sinabi ito ni Faith nang ikuwento niya ang kaniyang karanasan na inakala niyang makaka-date niya ang Korean-American singer na si Eric Nam.
Ngunit pagdating sa venue, nakita niyang marami palang imbitado para sa event.
Ikinuwento ni Faith ang pinaka-gusto niya noon na naging date.
“I was still young, siguro mga 17 o 18 years old. Meron akong guy best friend, and super close talaga kami. Feeling ko kahit paano meron din kaming feelings toward each other, pero walang umaamin,” sabi niya.
Hanggang sa si Faith ang mag-aya ng date.
“So magva-Valentines na, sabi ko sa kaniya ‘Bakit hindi tayo mag-date? Katuwaan lang, eme emehan lang.’”
Ngunit ikinagulat ni Faith na noong mismong Valentine’s Day, sinundo siya ng kaniyang best friend.
“Sa loob ng car niya merong stuffed toy, may camera, may balloons. So parang na-overwhelmed ako na ‘Hala akala ko trip trip lang ito, bakit masyadong seryoso na?’ Pero na-appreciate ko ‘yun kasi wala pang gumagawa sa akin noon ever,” sabi ni Faith
Matapos mag-lunch, pumunta sina Faith at ang kaniyang best friend sa isang museum at nagsimba.
“After that, dinner time na. Hindi pa siya nakaka-try kumain ng food from karinderya. Sabi ko sa kaniya ‘Ipa-try ko sa iyo for the first time para iba ‘yung experience mo,’” ani Faith.
“Kumain kami sa karinderya. Nakikita ko na nag-e-effort talaga siya para makibagay sa akin. Kasi siyempre laking San Andres Bukid ako, so ‘yung mga trip ko in life baka hindi niya ‘abot.’”
Noong matatapos na ang date, tila pag-ibig na ang naramdaman ni Faith sa kaniyang best friend.
“Noong pauwi na kami, iba na ‘yung nafi-feel ko talaga. Sobrang na-appreciate ko na siya and nagkakaroon na ako ng second thoughts kung gusto ko bang maging single or mag-in a relationship na with this person,” anang Kapuso actress.
Nasa gitna sila ng EDSA nang sinabi ni Faith na may sasabihin siya sa kaniyang best friend. Itinigil naman ng lalaki ang kotse sa gitna ng EDSA.
“Sabi ko ‘Would you like to be my boyfriend?”, at doon na naging sila ng kaniyang best friend.
“Hindi naman po ako ‘yung nanligaw, ako lang po ‘yung nagtanong,” biro ni Faith.
“And then after that he said ‘I’d love to.’”
Naging sila ng kaniyang best friend ng mahigit isang taon.
“Kaya lang LDR. Umalis siya. Alam niyo naman ‘yung mga umaalis ng bansa. Char!” sabi ni Faith.
Ibinahagi rin ni Faith ang tila hindi niya nagustuhang karanasan sa pakikipag-date.
“I was hanging out with this person, nag-gym kami, hang out date siya, ‘yung sinasabi niyo lang na hang out pero alam niyo namang dalawa na date ‘yon,” sabi niya.
Matapos mag-workout, nagsimba sila at kumain sa labas.
“Pagdating ko po roon sa restaurant, ‘yung buong pamilya niya nandoon. So ako ‘Family affair ba ito? Ano ang nangyayari?’”
“Nagulat lang ako na buong family nandoon agad. Kasi usually sa relationships, it even takes years before mo maipakilala ang karelasyon mo. Pero sa kaniya, hindi pa kami close,” ayon pa kay Faith.
“I felt awkward,” saad pa niya.
Matapos nito, hindi na kinausap pa ni Faith ang lalaki.
Ibinigay ni Faith ang kaniyang payo pagdating sa pakikipag-date.
“When it comes to dating. Kasi medyo marami na rin akong na-date, and na-experience ko na ‘yung iba’t ibang age, so well-rounded na ako when it comes to [dating].”
“Huwag kang magpanggap. If you do not like something, leave. If you don’t feel like being respected, leave. If you don’t feel like the person is not exerting as much effort, leave,” sabi niya.-- FRJ, GMA Integrated News
Faith Da Silva, inaya ang ka-date niya noon sa karinderya
Setyembre 21, 2023 11:50pm GMT+08:00