Matapos magpalitan ng mensahe sa social media post, inihayag ni Mega Star Sharon Cuneta ang hangarin na makausap niya ang kaniyang anak na si KC Concepcion.

Sa Instagram, nagpakita ng suporta si Sharon sa upcoming movie ni KC na "Asian Persuasion." Ipinost niya ang movie poster ng pelikula at hiniling sa mga follower niya sa US na panoorin ang unang Hollywood movie ng panganay niyang anak.

"God be with you anak. Please take care of yourself," saad ni Sharon na naka-tag si KC.

Nagkomento naman si KC sa post ng ina at sinabing, "Like I always tell you mama, [though] I'm not perfect, everything I do is for you."

Ikinatuwa ng fans na makita ang komunikasyon ng mag-ina kasunod na rin ng desisyon ni KC na i-unfollow sa Instagram ang kaniyang stepdad na si Kiko Pangilinan at half sister na si Frankie.

Inihayag naman ni Sharon ang hangarin niyang makausap si KC.

"Still praying we get to talk. After all your work na anak. God is good. Nothing would make me happier than having my whole family with me, and don't ever forget you are part of ours too," sabi ng aktres.

"I am a mother first, and my heart will only be complete once things are sorted out," dagdag niya.

 

 

Sa isang pahayag na ipinadala ni KC kay Boy Abunda kamakailan, kinumpirma ng aktres ang pag-unfollow niya sa kaniyang stepdad at kapatid pero hindi raw mawawala ang kaniyang pagmamahal sa mga ito.

Nais umano ni KC na bigyan prayoridad ang sarili niyang kaligayahan at umaasa siyang malalampasan din ang "isyu" sa kanilang pamilya.

Sinabi naman ni Sharon kay KC na, "Remember anak that only those who truly love you will tell you what is true, what will make you a better person. We all love and care for you."

"See things from that perspective and you will see differently. I love you. Daddy and your siblings love you." —FRJ, GMA Integrated News