Kinilig ang fans nina Barbie Forteza at David Licauco sa isang episode ng "Maging Sino Ka Man" nang tawagin ni Monique si Carding na si “David Licauco” at “Fidel.”

Sa naturang episode, nalasing si Monique [Barbie] habang nagpa-party sa isang bar, hanggang sa lumapit sa kaniya si Carding [David].

“Oo, nakikilala kita. Ikaw si David Licauco!” natatawang sagot ni Monique na lasing na habang kinakausap ni Carding.

At nang inakala ni Carding na nahimasmasan na si Monique, nagkamali na naman si Monique ng pagtukoy sa kaniya.

“Ikaw nga ‘yon. Ikaw si Fidel!” sabi ni Monique, bago napayakap kay Carding.

Si Fidel ang karakter ni David sa hit historical portal fantasy series na "Maria Clara at Ibarra." Katambal niya si Barbie bilang si Klay sa serye, at nabuo ang Team FiLay.

Pinasan ni Carding si Monique pauwi, nang tanungin siya ng dalaga kung naniniwala siya sa pag-ibig.

"Sabi nga nila ang pag-ibig ang pinakamalakas sa puwersa sa mundo, kaya pag mahal mo ang isang tao, matatama mo ang panahon at madidiktahan mo ang tadhana," sagot ni Carding, na tila pagtukoy sa love story nina Fidel at Klay sa "Maria Clara at Ibarra."

Ang "Maging Sino Ka Man" ay remake ng iconic na pelikula noong '90s nina Sharon Cuneta at Robin Padilla.

Sa direksyon ni Enzo Williams, mapapanood ang special limited series sa GMA Telebabad ng 8 p.m. pagkatapos ng "24 Oras." -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News