Ikinuwento ni Ken Chan na tapos na noon ang audition sa dating hit series na pinagbidahan niya na "Destiny Rose" pero nakiusap siya sa GMA 7 na bigyan siya ng pagkakataon na makapag-audition pa rin.
“Nakiusap ako kasi closed na po ‘yung audition, Tito Boy. Wala na, tapos na. May napili na yata sila. Ang alam ko po, may napili na sila, and sabi ko, nag-beg po ako sa GMA 7, ‘Please, baka puwede kong i-try at puwede ko pong i-open ‘yung audition ulit,’” pagbahagi ni Ken sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkules.
Pero sinabihan daw si Ken ng kaniyang kausap na kapag muling binuksan nila ang audition, kailangan nilang sabihan ang iba pang aktor.
“Sabi ko, parang wala na. Then, after isang araw, pinatawag ako na puwede na po akong mag-audition. So I got the chance to audition for ‘Destiny Rose,’” patuloy niya.
Sa araw ng audition, sinabihan umano si Ken ng kaniyang makeup artist na si Ian Mirandilla kung ok lang na ahitin ang kilay niya kung gusto niyang makuha ang role.
“Eh may ginagawa akong show nun, Tito Boy! Pa’no ‘yung continuity? Sabi ko, ‘Baka mapagalitan ako nito ah.’ So, ang ginawa ko po, ‘Sige, ahitin mo na baka matsambahan natin, makuha natin ‘tong role na ‘to,” patuloy niya.
Nakuha ni Ken ang naturang role at naging patok sa ratings ang series.
Pinasalaman ng Sparkle actor sina Jonas Gaffud at si direk Phil Noble sa magandang resulta ng kaniyang pagganap sa kaniyang karakter.
“Sobrang sila po ‘yung nakatulong sa’kin,” saad niya.
Ipinalabas ang “Destiny Rose” noong 2015 sa GMA Afternoon Prime. Nitong April 2023, ipinalabas ang “Destiny Rose” sa Thailand.— FRJ, GMA Integrated News