Inilahad ni Stell ang mga advantage at disadvantage ngayon na mas kilala na ang grupo nilang SB19 maging sa ibang bansa.
.
“Ang best po, siyempre ito kumikita and we can provide for our family, nakukuha namin ang gusto namin, may mga needs and wants din po kami,” sabi ni Stell sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.
Ayon kay Stell, mas malapit ngayon ang mga tinutuluyan ng mga miyembro ng SB19 mula sa kanilang mga pinagtatrabahuhan kaysa sa kani-kanilang mga tahanan.
Dahil dito, malayo rin sila kanilang mga pamilya.
“Other thing po is wala na kaming freedom to go outside. Though hindi naman kami malabas [palalabas] talaga. Pero ‘yung simpleng pagmo-mall sana na gusto naming gawin, hindi na talaga namin magagawa, kasi may mga instances na talagang may mga taong nakakakilala,” sabi niya.
Nilinaw naman ni Stell na wala namang problema na makilala sila ng mga tao pero iniiwasan nilang maging dahilan ng kaguluhan, at makaabala sa iba.
“Ayaw naming mag-cause ng commotion sa isang lugar na maaabala lang ang mga tao, so we choose to stay na lang sa bahay,” dagdag pa ng isa sa mga coach ng The Voice Generations.
Naging top hit ng SB19 kamakailan ang kanilang single na “GENTO” mula sa kanilang EP na “PAGTATAG!”
Katatapos lamang ng boy group ng kanilang ikalawang world tour at nakipagsanib-puwersa sa JVKE para sa isang concert sa Boston. -- FRJ, GMA Integrate News