Ngayong 10 taon na bilang magkasintahan, sinagot nina EA Guzman at Shaira Diaz ang tanong kung nagli-live in o nagsasama na ba sila sa iisang bubong kahit hindi kasal?

“Nagli-live in na ba kayo? Yes or no,” tanong ni Super Tekla kay EA sa pagsalang niya sa isang lie detector test sa “The Boobay and Tekla Show.”

“No,” mariing tugon ng aktor.

Lumabas sa lie detector test na “truth” ang sinagot ni EA pero si Shaira na ang unang nagsalita tungkol dito.

“Baka magkasawaan eh,” biro ni Shaira. “Pero I think may good side rin naman siya para sa iba, kasi mas nakikilala nila ‘yung partners nila.”

“At saka gusto ko ngang makapagtapos muna. Medyo ang dami ko pa talagang priorities bago kami mag-ano... [mag-asawa],” dagdag pa ng dalaga.

Ayon naman kay EA, kung lalagay na sila sa tahimik, plano nila ni Shaira ang isang Church wedding.

“Kasi ‘yun ang faith namin. Gusto namin witness si Lord talaga, nasa center. Tsaka nakikita ni Lord, andu’n si Lord sa amin,” sabi ni EA.

Sa tanong na ilan ang pinaplano nilang anak, parehong sumagot sina Shaira at EA na dalawa ang kanilang gusto.

“Gusto lang namin is small family,” paliwanag ni EA.

“Babae at lalaki,” ani Shaira.

Nang tanungin kung ano ang mensahe ni Shaira sa kaniyang nobyo, saad niya: “Gusto ko lang sabihin sa ‘yo Baba [tawagan nila] na sa 10 years natin, mas lalo pa kitang minamahal at saka mas lalo pa kitang naa-appreciate sa araw-araw. Gusto kong sabihin sa ‘yo na ikaw na ang gusto kong makasama habambuhay. Pagbutihin pa natin sa trabaho natin. Sobrang love kita.”

Sabi naman ni EA sa kaniyang nobya: “I just wanna say thank you sa pagmamahal and thank you sa genuine love na binibigay mo sa akin every day. Tama sila, ‘yung ganitong relasyon na matagal na, 10 years na, para na lang kayong mag-best friend, kumbaga hindi niyo na pag-aawayan ‘yung mga maliliit na bagay, kumbaga update kayo pero kumustahan, kulitan, and sa ‘yo ko nakita ‘yon.”

“I’m happy and proud na meron akong isang katulad mo dahil you give sunshine every morning, sabi nga ng Unang Hirit, ‘morning sunshine.’ Para sa akin, every day gumigising ako, magkasama man tayo sa out of the country, ‘pag gumising na ako ikaw ang nakikita ko. Iba ‘yung dating sa akin, ang ganda ng araw ko. So thank you so much. Ikaw na rin ang gusto ko. Lahat ng ginagawa kong ito, lahat ng pag-iipon ko, lahat ng goal ko sa buhay, lahat ng plano ko sa buhay, kasama ka at para sa ‘yo,” pagpapatuloy pa ni EA. --FRJ, GMA Integrated News