Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda”nitong Martes, tinanong si Stell ng SB19 kung single ba siya ngayon.

“Yes po,” tugon ni Stell sa pagiging single. “Pero taken ng A’TIN [tawag sa fans ng SB19].”

Ikinuwento si Stell kung bakit siya ang “forever boyfriend” ng mga A’TIN.

Ayon kay Stell, nagsimula ito sa inside joke nila ng kanilang mga A’TIN.

“Merong one time na ini-interview kami. Tinanong ako kung meron akong girlfriend and sinabi ko ‘wala.’ Tapos lahat sila nagtampo sa social media na parang, 'Ah wala ka palang girlfriend, so ano kami?'” kuwento ni Stell na naging reaksyon ng kanilang fans.

"So sabi ko, 'Ah gusto niyo pala ng ganitong klaseng biruan, okay.’ So ever since po sabi ko, 'Sige, dahil ganiyan 'yung gusto niyo, ako na 'yung forever boyfriend n'yo.'"

Magmula noon, ginagamit na niya ang “forever boyfriend” sa kaniyang posts, mga linya at spiels sa kanilang mga concert.

“Nakakatuwa kasi meron kaming ganu’ng interaction. Pero ano po 'yun, may boundaries pa rin like hindi talaga siya super sineseryoso ng A'TIN. Natutuwa ako na meron kaming ganu’ng klaseng koneksyon,” patuloy niya.

Bukod kay Stell, miyembro rin ng SB19 sina Pablo, Ken, Josh, at Justin. Kabilang sa kanilang hit songs ang "GENTO," "MAPA," "Bazinga," at "Go Up."

Isa rin si Stell sa mga coach ng "The Voice Generations," na mapapanood 7 p.m. ng Linggo pagkatapos ng "Bubble Gang." -- FRJ, GMA Integrated News