Naghain ng P2-million civil complaint ang broadcast journalist na si Atom Araullo laban kay dating communications undersecretary Lorraine Badoy-Partosa at Jeffrey "Ka Eric" Celiz dahil sa pag-uugnay umano sa kaniyang pamilya sa mga komunistang rebelde.
Ayon sa mga abogado mula sa Movement Against Disinformation (MAD) na kumakatawan sa kanilang kliyente na si Araullo, ang reklamo ay kaugnay sa Articles 19, 20, 21, 26, at 33 ng Civil Code.
Inihain ang reklamo sa Quezon City Regional Trial Court.
“In seeking redress, Mr. Araullo claims nominal, moral, and exemplary damages amounting to P2,070,000,” ayon sa inilabas na pahayag ng MAD nitong Lunes.
“In addition, he is pursuing reasonable attorney’s fees and costs of litigation, highlighting the fact that the need for legal action arose directly from the need to vindicate his rights and assert the truth against the false narratives presented by the respondents,” dagdag nito.
Ayon pa sa MAD, naging sentro ng “red-tagging spree” si Araullo at kaniyang ina na si Carol Araullo, mula noong unang bahagi ng 2022 hanggang January 2023.
Sinabi ng MAD na tinawag si Araullo na “spawn” ng “active CPP Central Committee leader.”
Pinalabas din umano si Araullo na may pakana ng mga pag-atake sa gobyerno, miyembro ng communist party, at gumagawa ng mga content na nakalinya sa propaganda ng Communist Party of the Philippines-National People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Sa tweet, sinabi ni Araullo na ang kaniyang reklamo ay bunsod ng mga akusasyon at pag-atake sa kaniya at sa kaniyang pamilya na kagagawan nina Badoy at Celiz sa programa ng Sonshine Media Network International (SMNI) at iba pang social media platforms.
“It is my considered belief that the nature of their remarks goes far beyond the boundaries of fair criticism, and are designed to discredit, intimidate, and foment public animosity towards both me and my family,” ani Araullo.
"It also seems to be part of a broader pattern to harass and undermine members of the media whose reporting does not fit their agenda," dagdag pa niya.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Araullo na ang inihain niyang reklamo ay hindi lang para sa kapakanan ng kaniyang pamilya, kung hindi para ipagtanggol din ang kalayaan sa pamamahayag.
Bagaman hindi pa raw siya maghahain ng kasong kriminal "sa ngayon," sinabi ng broadcast journalist na dapat managot ang mga taong nagpapakalat ng maling impormasyon.
“Nais ko rin linawin na hindi ako magsasampa ng kasong kriminal laban kay Badoy at Celiz sa ngayon. Tutol ako sa criminalization ng libel dahil nagagamit din ito upang gipitin ang lehitimong media,” paliwanag niya.
"Gayunpaman, kailangan pigilan at managot ng mga malisyosong pasimuno ng disinformation," dagdag ni Arraulo.
Bilang reaksyon sa ginawa ni Araullo, binigyan-diin muli ni Celiz ang kaniyang dating Facebook post na iniuugnay niya sa CPP ang broadcast journalist at ina nito.
Sa Facebook post noong Sunday, sinabi ni Celiz na dapat munang kondenahin nina Araullo at ina niya ang terorismo bago sila kinasuhan ni Badoy.
Ayon kay Celiz, ang hindi pagkondena ni Carol Araullo sa CPP ay malinaw na patunay umano ng "validity of our assertions."
Ipinagtaka naman daw ni Badoy ang isinampang reklamo laban sa kanila.
"It's really interesting to me. Nakakatawa sila. So alam namin kung bakit nila ito ginagawa. It’s to silence, to scare, to harass us," sabi ni Badoy sa programa ng SMNI.
Nitong nakaraang Hulyo, naghain din si Gng. Araullo, chairperson emeritus ng Bagong Alyansang Makabayan, ng mahigit P2 million civil suit laban kina Badoy at Celiz dahil sa paulit-ulit umanong pag-red-tag na ginagawa sa programa.
Si Atom Araullo ay co-anchor at host ng ilang programa sa ng GMA Network
—FRJ, GMA Integrated News