Proud si Rocco Nacino na isa ring registered nurse na pagsasagawa niya ng swab tests sa mga tao noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Bukod kasi sa nakatulong siya sa mga tao, nagkaroon siya ng mapagkukunan ng panggastos sa kasal nila ni Melissa Gohing dahil nakatigil noon ang trabaho niya bilang artista.
“Noong ginawa ko ‘yan, ‘yan ang nagpabayad sa wedding namin. It helped us so much,” sabi ni Rocco sa "Surprise Guest with Pia Arcangel" podcast.
“Lahat tayo nganga during the pandemic, and I was really going through a stage na ‘Shucks, ano ang gagawin ko sa buhay ko?’ Paubos nang paubos ‘yung pera ko sa kakabayad nitong bahay na ito, ang laki ng nababawas sa akin,’” pagpapatuloy ng "The Missing Husband" actor.
Hanggang sa maisip ni Rocco na makipagtulungan sa mga kakilala niyang medical professionals para makakuha na rin ng gastusin sa kaniyang mga pangangailangan.
“Nagsimula siya sa pagbenta lang ng kits eh. And then not a lot of people knew how to really test themselves na hindi nila alam na nasopharyngeal swab is not here lang sa nostril, it has to go out all the way back, and we were sad for the people who are doing it wrong. Doon nabuo ‘yung idea to really go out and help people,” sabi niya.
“Sabi ko, ‘Why don’t we start helping people and set up a clinic and then partner up with different laboratories to be able to provide cheaper swab tests.’” dagdag pa ni Rocco.
Dumating din ang mga pagkakataon na kasama rin siya ng mga doktor na pumupunta sa bahay ng mga tao para magsagawa ng swab tests.
“Noong time, medyo nag-skyrocket ang testing fees eh. So we made it affordable in a way na mas mababa nga pero mas maraming mag-a-avail, which actually happened. And dahil nga maraming takot din na mag-swab, or they were scared to get the virus, kulang na kulang kami sa manpower. So ang ending, kami na mga doctors, kami mismo ang pupunta sa mga bahay,” sabi ni Rocco.
“Kami ‘yung as in, may times I would go to the suburbs talaga para lang makapag-swab and then at the same time hindi lang pag-swab, we would give them a detailed plan as to kumbaga ‘pag positive sila, ‘Ganito ang plan, ganito ang gagawin natin, we’ll do a check-up on you.’ So hindi lang siya naging swab but then like a whole assessment and diagnosis for the family,” kuwento ng aktor.
Natuwa rin si Rocco dahil naranasan niyang maging isang normal na tao sa kaniyang pagiging nurse nang may ilang pasyente ang hindi siya namukhaan.
“So ang ginagawa ko, nagsosobrang mask na lang para hindi ako makilala. Tapos Nurse Nacino na lang ang sinasabi ko, ‘Andito po ako para sa swab test niyo.’ Some were able to identify me, some weren’t, which I enjoyed din, kasi kumbaga I felt normal din,” sabi niya.
At dahil lagi siyang lumalabas, doble ang kaniyang pag-iingat lalo noong buntis si Melissa.
“Although naging magastos din kasi we had to disinfect palagi, and then when Mel was pregnant, kailangan todo-linis muna bago umuwi, so kami ‘yung talagang dehado.”
Nagpapasalamat si Rocco dahil hindi lang siya nakatulong sa mga tao, kundi natustusan din niya ang gastusin nila ni Melissa sa kasal.
“I think siguro na-bless kami dahil we were doing more than kung ano ang dapat lang binabayad sa amin na mura lang. Sa awa ng Diyos naging fruitful siya,” saad niya.
Nagtapos si Rocco bilang cum laude na may master's degree sa nursing noong 2017. -- FRJ, GMA Integrated News