Inihayag ni Mav Gonzales na may mga naka-date siya sa tulong ng dating apps at naging kaibigan niya ang ilan sa mga nakakilala niya rito.
“Actually po, I've had two relationships in my life and both were schoolmates. So, I've dated a lot of people from dating apps,” kuwento ni Mav sa “Share Ko Lang.”
“Pero kagaya nga ng sabi n'yo, Doc (Anna Tuazon), medyo kailangan mo mag-sit through talaga du'n sa mga tao sa dating apps. And for me, kasi medyo picky ako sa kakausapin. Kapag nag-effort ako siguro for the first two palitan ng messages and then, nakikita ko parang wala namang chemistry or parang hindi naman siya enthusiastic. Then, I end the conversation and then you move on to the next one,” pagpapatuloy ni Mav.
Ayon sa GMA Integrated News reporter, mas nabuksan pa ang kaniyang kaisipan sa pagkilala niya sa iba’t ibang klase ng mga tao.
“Because of online dating na ang dami niyo ng options and, you know, especially kung kakakilala niyo lang, there's really no commitment, so, it's okay to talk to other people. Parang mas naging open ‘yung mindset ko when it comes to meeting people.”
Sinabi naman ni Mav na naging kaibigan niya ang ilan sa kaniyang mga nakilala sa online dating.
“And actually, ‘yung pong mga na-meet ko sa dating apps, mayroon mga naging kaibigan ko. Kasi eventually malalaman mo, ‘Ay, parang wala namang romantic potential 'to.’ Pero jive kayo, nagkakasundo kayo, so naging kaibigan mo na,” sabi niya.
“So, I think online dating really made me a more sociable person. Kasi parang mas maraming klaseng tao ako nakilala at nakakausap,” dagdag pa ni Mav.
Nauna nang inihayag ni Mav na hindi kakulangan ang pagiging single, dahil mas mabuti na ito kaysa mahulog sa maling tao.
Nag-post din si Mav ng kaniyang hugot noon sa social media kung saan sinabi niyang "Mabuti nang wala kesa mali."—FRJ, GMA Integrated News
Mav Gonzales, ikinuwento na may mga naka-date sa dating apps at naging kaibigan
Agosto 24, 2023 10:53pm GMT+08:00