Hindi na lang online kundi face-to-face na ring ibinigay ni Jak Roberto ang kaniyang Anti-Silos o Anti-Selos Class sa mga estudyante ng Jose Rizal University.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood si “Prof Jak” na dinala ang kaniyang Anti-Selos dance moves sa isang stage sa JRU.
Sinamantala naman ng mga taga-JRU ang pagkakataong humingi ng advice kay Jak.
“Nagseselos ka, wala kang karapatan? Baka kailangan lang ng label ‘yan?” payo ni Jak sa isang estudyante.
Nagpasalamat si Jak na benta at relate ang marami sa kaniyang “Anti-Silos” na paandar.
Ang kauna-unahang Sparkle Caravan Campus Tour ng Sparkle GMA Artist Center ang tunay na dahilan ng pagpunta ni Jak sa JRU, kung saan ka-partner ang GMA Synergy at NCAA.
Isa rin si Jak sa panel na nakipagbatuhan ng linya sa mga nag-audition.
“Hindi natin alam, baka maka-discover tayo ng mga future Sparkle star natin dito, na makakatrabaho ko rin soon. So excited ako to meet everyone,” sabi ni Jak.
Humanga naman siya sa galing sa pag-arte, pagsayaw at pagkanta ng auditionees. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News