Ang mister pa niyang si Zoren Legaspi ang nagpaalala kay Carmina Villaroel tungkol sa aktor na nasa kabilang network na muntik nang makatuluyan ng actress-TV host.

Sa birthday episode ng "Sarap Di Ba?" para kay Carmina, ang GMA top executive at judge-mentor sa "Battle of the Judges" na si Atty. Annette Gozon-Valdes, ang nagtanong tungkol sa taong "nagparamdam" pero hindi nakatuluyan ng "Abot Kamay na Pangarap" star.

"Since matagal na matagal ka na sa showbiz, I'm sure maraming nagparamdam sa'yo na baka muntik na pero hindi natuloy. Mayroon bang ganoon?," tanong ni Miss Annette kay Carmina.

Mabilis namang sumagot si Carmina na, "Wala."

Pero sumingit si Zoren na nagsabing,  "Meron. Taga-ibang channel."

Nagulat maging ang mga anak nilang sina Mavy at Casey sa sinabi ni Zoren.

Dito na rin natawa at naalala ni Carmina ang aktor, "Ay! Oo nga!"

"Oo nga pala tatay, thank you for reminding me," natatawa pang sabi ni Carmina kay Zoren.

Humanga naman si Miss Annette sa pagiging close nina Zoren at Carmina na walang inililihim sa isa't isa ang mag-asawa.

"Ganiyan sila ka-close, alam ni Zoren lahat," saad niya.

Tinanong din ni Miss Annette si Carmina kung bakit hindi sila nagkatuluyan ng aktor.

"Siguro at that time, mas mahal ko ang sarili ko at mas inisip ko 'yung sarili ko," paliwanag ni Carmina.

Ayon kay Carmina, hindi man sila nagkatuluyan ng aktor, nanatili naman ang kanilang friendship hanggang ngayon.

Hindi binanggit ni Carmina kung sino ang lalaking taga-ibang channel pero ibinulong niya ito kay Miss Annette. -- FRJ, GMA Integrated News