Nakamit ni John Lloyd Cruz ang Boccalino D ‘Oro prize (Golden Jug award) sa ginanap na 76th Locarno International Film Festival sa Switzerland para sa pagganap niya sa pelikulang “Essential Truths of the Lake” ni direk Lav Diaz.
Kinumpirma ito sa GMA News Online nitong Biyernes ng gabi ni Hazel Orencio, ang assistant director ng pelikula at co-lead actor ni John Lloyd.
Siyam na taon na ang nakalilipas nang mapanalunan din ni Orencio ang naturang parangal ng Locarno para naman sa pelikulang "Mula sa Kung Ano ang Noon," na si Lav Diaz din ang nagdirek.
Nasa Switzerland si John Llyod para dumalo sa naturang festival, kasama sina direk Diaz, Orencio, producer na si Bianca Balbuena at ang leading lady na si Shaina Magdayao.
Sa naturang pelikula, ginagampanan ni John Llyod ang karakter ni Lt. Hermes Papauran, isang mahusay na police investigator na nagsisiyasat sa 15-taong-gulang na kaso na bumabalot sa “volcanic ash laden, mysterious impenetrable lake.”
Kasama rin sa pelikula sina Bart Guingona, Agot Isidro, Paul Jake Paule, Susan Africa, Dido dela Paz at marami pang iba.
Sa isang pelikula ni Diaz noong 2022 na “When The Waves Are Gone (Kung Wala Na Ang Mga Alon),” ipinakita ang karakter ni Papauran, bilang isang semi-retired police investigator na nakararanas ng matinding anxiety na nagdulot ng psoriasis.
Kasama sa naturang pelikula si Ronnie Lazaro, na nagsilbing dating mentor at naging mentally deranged tormentor na si Sgt. Primo Macabantay.
Pero sa naunang panayam, nilinaw ni Diaz na hindi prequel o sequel ng “Essential Truths of the Lake” ang “When The Waves Are Gone.” Nagkataon lang umano na pangunahing karakter si Papauran para sa dalawang kuwento.
Ang “Essential Truths of the Lake” ang ika-anim na pelikula ni John Lloyd kay direk Diaz. Mula sa “Hele Sa Hiwagang Hapis (A Lullabye To A Sorrowful Mystery) noong 2016,” na sinundan “Ang Babaeng Humayo (The Woman Who Left)” na ginawa noong 2016 din, “History of Ha” noong 2021 at “Servando Magdamag,” na sinimulan noong 2019 na pinalitan ang titulo noong 2022 bilang “A Tale of Filipino Violence.”
Tuwing Agosto ng taon ginaganap ang Film Festival Locarno mula pa noong 1946. Kabilang ito sa mga pinakamatagal nang film festival kasama ng Cannes at Venice.-- FRJ, GMA Integrated News